Home NATIONWIDE Ex-DPWH Usec Bernardo tumestigo sa graft case vs Zaldy Co

Ex-DPWH Usec Bernardo tumestigo sa graft case vs Zaldy Co

3
0

MANILA, Philippines – Tumestigo nitong Miyerkules sa Sandiganbayan Fifth Division si dating DPWH Undersecretary at state witness Roberto Bernardo sa graft case ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Ang kaso ay kaugnay ng P289.4-milyong Sunwest project sa Naujan, Oriental Mindoro, na umano’y nagkaroon ng malulubhang problema sa istruktura.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Bernardo na umabot sa P120 milyon ang umano’y “balato” na natanggap niya mula kay Co sa loob ng tatlong taon. Nauna niyang sinabi sa judicial affidavit na P100 milyon ang halaga.

“With my deep recollection, it’s P120 million within three years,” ani Bernardo.

Aniya, P45 milyon ang natanggap niya noong 2023, P50 milyon noong 2024 at P25 milyon noong 2025.

Sinabi rin ni Bernardo na ang P120 milyon ay katumbas umano ng “one percent” ng tinatawag na 25 percent commitment na nakalaan kay Co sa bawat DPWH project. Ayon sa kanya, nakatanggap din ng “one percent” si Henry Alcantara, dating district engineer ng Bulacan at isa ring state witness.

Nauna nang tumestigo si Bernardo sa malversation case ni Co sa Sandiganbayan Sixth Division na nag-ugat din sa proyekto sa Naujan. Sinabi niya noon na P130 milyon ang umano’y “balato” mula kay Co, kabilang ang P30 milyon na dumaan sa DPWH Region IV-B.

Si Co, na sinasabing beneficial owner ng Sunwest, ay hindi nakadalo sa paglilitis matapos ideklarang fugitive from justice ng Sandiganbayan Sixth Division. Hindi maaaring lumahok sa proceedings o humingi ng judicial relief ang isang respondent na fugitive hangga’t hindi siya kusang sumusuko sa mga awtoridad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here