Home NATIONWIDE Panukalang proteksyon sa OFW vs illegal recruitment, inaprubahan sa Kamara

Panukalang proteksyon sa OFW vs illegal recruitment, inaprubahan sa Kamara

3
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House of Representatives sa third and final reading ang ilang panukalang batas para protektahan ang mga overseas Filipino worker (OFW), kabilang ang pagbabago sa depinisyon ng illegal recruitment na gawa ng sindikato.

Sa botong 247-0-0, pumasa ang House Bill 9805. Ibinababa nito sa dalawa mula sa kasalukuyang tatlo ang pinakamababang bilang ng salarin para ituring na sindikato ang illegal recruitment, kung ginawa ito ng mga walang lisensiya o awtoridad.

Sa ilalim ng panukala, ang illegal recruitment na gawa ng sindikato o ginawa nang malawakan ay “shall be considered an offense involving economic sabotage.”

Pumasa rin sa third and final reading ang House Bill 9462 sa botong 245-0-0. Palalawakin nito ang gamit ng Legal Assistance Fund at ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON) Fund.

Sa ilalim ng panukala, magagamit na rin ang legal assistance fund sa pagsasampa ng labor complaint laban sa mga abusadong employer at ng kasong kriminal laban sa iba pang lumabag sa bansang pinagtatrabahuhan. Maaaring gamitin ng mga OFW ang pondo mula sa imbestigasyon, detensiyon, pag-aresto o pagsasampa ng kaso, hanggang sa paglilitis at apela.

Ang parehong patakaran sa paggamit ng legal assistance fund ay ilalapat din sa AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga kasong nangangailangan ng tulong-legal.

Sa mga bansa at teritoryong wala pang Migrant Workers Office, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang magbibigay ng tulong-legal at iba pang tulong sa mga OFW.

Inaprubahan din ng Kamara ang House Bill 9806 sa botong 250-0-0. Layunin nitong magbigay ng libreng financial education sa mga OFW at kanilang pamilya.

Obligado ang lahat ng OFW na dumalo sa mga seminar sa financial education na regular na ina-update. Magiging bahagi ito ng Pre-Departure Orientation Seminar ng aalis na OFW.

Kailangan ding dumalo ang mga OFW sa Post-Arrival Training Seminar sa financial education o literacy sa loob ng makatwirang panahon pagdating nila sa bansang pupuntahan, para sa kanilang unang kontrata. Sakop din nito ang mga lumilipat ng trabaho nang hindi dumadaan sa Pilipinas.

Pumasa rin sa final reading ang House Bill 11562 sa botong 252-0-0. Palalakasin nito ang Philippine Coast Guard sa pamamagitan ng mga reporma sa polisiya at organisasyon.

Inaprubahan naman sa second reading ang House Bill 11563, na magtatatag ng performance measurement system para isulong ang meritocracy sa mga lokal na pamahalaan. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here