Home NATIONWIDE Pagbabawal ng social media sa mga kabataang wala pang 13, inaprubahan sa...

Pagbabawal ng social media sa mga kabataang wala pang 13, inaprubahan sa second reading – Kamara

4
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House of Representatives sa second reading ang panukalang magbabawal sa mga batang 13 pababa na gumawa ng social media account, at maglilimita sa paggamit nito ng mga wala pang 18 taong gulang.

Inaprubahan sa voice vote ang House Bill No. 11566, o ang Safe and Friendly Environment for Kids in Digital Spaces Act. Pinagsama nito ang mahigit 40 panukalang naglalayong higpitan ang pagbabantay sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.

Kasunod ito ng panawagan ng mga awtoridad na higpitan ang digital content matapos ang sunud-sunod na pamamaril at pananaksak sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga estudyante. Layon ng mga mambabatas na pigilan ang karahasang sa tingin nila ay naimpluwensiyahan ng online content.

“We recognize that while children have the right to benefit from technology, they must be protected from the risks that technology may expose them to,” pahayag  ni Pasig Rep. Roman Romulo, sponsor ng panukala, sa plenaryo.

“However, these same platforms may expose children to cyberbullying, grooming, sexual exploitation, harmful content, inappropriate advertising, privacy violations and forms of online interaction that they may not yet be equipped to navigate safely,” dagdag pa nito,.

Sa ilalim ng panukala, ang mga teenager na wala pang 18 ay bibigyan lamang ng limitadong access. Poprotektahan sila laban sa mapanganib na ads, livestreaming at algorithmic short video feed na nag-eengganyong mag-scroll nang walang tigil.

Bawal din sa kanila ang mag-online purchase at sumali sa “gambling-like mechanisms.” Pinagbabawalan din sila sa iba pang feature na may “reasonably foreseeable and material risks” sa kanilang kapakanan at paglaki.

Ayon kay Romulo, sinadya ang pagkakaiba ng patakaran sa mga batang 13 pababa at sa mga teenager na wala pang 18.

Magtatatag din ang panukala ng Office for Children’s Social Media and Digital Safety sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Ito ang magiging pangunahing regulator na magpapatupad ng mga layunin ng batas.

Kailangang bumuo ang mga social media platform ng sarili nilang sistema sa pagtukoy ng edad ng mga user, na susunod sa pamantayan ng itatayong tanggapan. Ayon sa panukala, ang mga social network ang mananagot sa pagiging epektibo ng kanilang age assurance system, at kailangang dumaan ang mga user sa age verification dalawang beses sa isang taon.

Kailangan ding pagbawalan ng mga platform ang mga menor de edad na makipag-chat sa “unknown adults” at hadlangan ang mga teenager sa paggamit ng artificial intelligence features sa loob ng mga social media site.

Mapapatawan ng multang hanggang P5 milyon ang mga platform na lalabag sa mga probisyon sa “child-safety,” at hanggang P20 milyon kung paulit-ulit ang paglabag. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here