MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na harapin ang kaso laban sa kanya at maglagak ng piyansa matapos na ipag-utos ng Makati court ang pag-aresto sa kanya para di umano’y paglabag sa Public Service Act.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na maaaring magpresenta ng ebidensiya si Leviste at ipagtanggol ang kanyang sarili sa korte kung pinananatili nitong wala siyang ginawang mali.
“Kung meron naman po sapat na ebidensya si Congressman Leviste, maaari niya naman po itong labanan at ipagtanggol ang kanyang sarili,” ani Castro.
Tinukoy ni Castro na ang reklamo laban kay Leviste ay bailable, bagaman ang mambabatas ay kasalukuyang nasa ibang bansa ngayon.
“Bailable ang kaso, so pinakamadali po diyan ay mag-bail siya, kaya lang nagkakataon po na sa ibang bansa siya,” ani Castro.
Sinabi ni Castro na makabubuti kay Leviste na harapin ang kaso partikular na’t pinanindigan ng huli na inosente siya at kontra sa korapsyon.
Sa ulat, ipinapaaresto na ng korte si Leviste dahil sa paglabag sa Public Service Act.
Naglabas na ng arrest warrant ang Makati Regional Trial Court Branch 235 laban sa kongresista at nilagdaan ni Presiding Judge Ricardo Moldez II.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y paglabag sa Section 25 ng Commonwealth Act No. 146 na inamyendahan ng Republic Act 11659 o Public Service Act.
Itinakda naman sa 72,000 ang piyansa sa kongresista.
Kinumpirma naman ni NBI Director Melvin Matibag na may kopya na sila ng warrant of arrest laban kay Leviste.
Gayunman, sa impormasyon ng NBI, sa kasalukuyan ay nasa ibang bansa pa si Leviste kasama ang inang si Senador Loren Legarda. (KRIS JOSE)