MANILA, Philippines – Posibleng para sa 2028 presidential campaign ni Vice President Sara Duterte ang milyon-milyong pisong ipinadala mula China sa kompanyang iniuugnay sa kanyang asawa, ayon kay House prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers kasabay ng panawagan na magkatoon ng imbestigasyon para matukoy kung sino ang tunay na makikinabang sa pondo.
Iginiit ni Barbers ang posibilidad habang patuloy ang mga tanong tungkol sa P319 milyong remittance mula China na natanggap ng Cale88 Foods Corp.
“Hindi rin awawala sa isipan natin na ito ay maaaring pinansyal na suporta sa pagtakbo ng ating pangalawang pangulo. Or hindi kaya, eh kasama sa pagpondo ng mga political propaganda, o hindi kaya ay political machinery ng ating Pangalawang Pangulo,” ani Barbers.
Gayunman, wala pang napatutunayang ebidensiya na ginamit ang mga remittance sa mga political activity ni Duterte. Iprinisinta ng House prosecution ang mga transaksiyon bilang bahagi ng mas malawak nitong pagsusuri sa financial at business records ng Bise Presidente.
“Kung natatandaan natin eh, unang nagpahayag na may interes tumakbo bilang pangulo sa 2028 si Vice President Sara Duterte,” sabi ni Barbers.
Pormal na ipinahayag ni Duterte noong Pebrero 2026 ang intensiyon niyang tumakbo sa pagkapangulo.
Kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nakatanggap ang Cale88 ng kabuuang P319,326,770.41 na inward remittance mula sa mainland China at Hong Kong. Humigit-kumulang P315.94 milyon ang galing sa mainland China at P3.39 milyon sa Hong Kong.
Ang nabanggit ay kabilang sa covered transaction reports at suspicious transaction reports na iprinisinta sa impeachment trial.
Ayon sa mga corporate record na iprinisinta sa paglilitis, incorporator, director at shareholder ng Cale88 ang asawa ni Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio mula 2021 hanggang 2024. Umabot sa 47.5 porsiyento ang shares nya sa kumpanya noong 2024 bago siya nag-divest noong 2025. Hindi nakalista si Duterte bilang shareholder ng Cale88, pero idineklara niya ang kompanya sa kanyang 2025 SALN.
Sinabi ni Barbers na maraming tanong ang dapat na sagutin, una ay kung bakit sa kumopanya ni Carpio pumapasok ang pera at para saan ito?
Isa pa umano ay ang salaysay ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na limitado lang ang operasyon ng Cale88 ngunit malalaking halafga ng dayuhang remittance ang pumapasok.
“According to him, eh dalawa lang ang empleyado, no? Pangalawa, ang gastos nito sa kanyang buwanang kuryente sa kanyang factory ay 8,000 pesos lamang, no?” ani Barbers.
Ipinagbabawal ng mga batas sa halalan sa Pilipinas ang dayuhang kontribusyon na layong impluwensiyahan ang eleksiyon. Gayunman, kailangan ng ebidensiyang nag-uugnay sa pondo at sa mga ipinagbabawal na political activity para mapatunayan ang paglabag. Gail Mendoza