MANILA, Philippines – Ibinasura ng Commission on Audit (COA) ang motion for reconsideration ng Office of the Vice President (OVP) kaugnay ng disallowance sa P73.287 milyong confidential expenses nito noong 2022.
Noong Agosto ng nakaraang taon, naglabas ang COA ng Notice of Disallowance sa paggamit ng OVP ng P73.287 milyon mula sa kabuuang P125 milyong confidential funds.
Batay sa notice, P69.7 milyon ang idinisallow dahil hindi nagsumite ang OVP ng mga dokumentong magpapatunay sa naging resulta ng information gathering o surveillance activities na sumusuporta sa acknowledgment receipts para sa cash rewards, iba’t ibang kagamitan at gamot.
Samantala, P3.5 milyon ang idinisallow dahil ginamit ito sa pagbili ng mga mesa, upuan, desktop computer at printer na walang sapat na dokumentasyon na nagsasabing para sa confidential operations o activities ang mga ito. RNT/MDS