MANILA, Philippines – HINILING ni Pampanga 1st District Rep. Carmelo Lazatin Jr. sa Commission on Higher Education (CHEd) na imbestigahan ang di umano’y pananakit sa isang aso ng isang college dean sa pribadong paaralan sa Angeles City.
Sa katunayan, sa isang liham kay CHEd Chairperson Shirley Agrupis, may petsang Oktubre 7, 2026, hiniling ng kongresista sa CHEd na tukuyin ang sinasabing pagkakasangkot ng isang dean ng Systems Plus College Foundation (SPCF) sa marahas na pamamalo sa isang aso sa loob ng campus noong Oktubre 5.
Nauna rito, hiniling ni Lazatin sa Angeles City government, sa Angeles City Police Office, at SPCF administration na imbestigahan ang bagay na “to ensure that the perpetrators are meted with the corresponding penalty for this violent act.”
Sa kabilang dako, sa isang Facebook post, tinukoy din ng mambabatas ang isang social media video na nagpapakita na nagdurugo ang ulo ng aso at inilagay sa isang drum para malagutan ng hininga. Hindi naman malinaw kung nakaligtas ang aso sa pamamalo sa kanya.
Binatikos naman ng mambabatas ang ginawang pagpapahirap sa hayop, sabay sabing walang makatwirang dahilan para sa kalupitan maging ang aso man ay pagala-gala o palaboy at hindi sinasadyang gumala sa loob ng paaralan. KRIS JOSE