MANILA, Philippines – Namonitor ng pamahalaan ang nasa 53 planong school shootings sa loob lamang ng isang linggo sa South Cotabato, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes, Oktubre 8.
“There were 53 planned school shootings in South Cotabato,” sinabi ni Remulla.
“Lahat’ yun, napigil namin. Hindi na namin puwede pag-usapan noon kasi very sensitive pa at saka children in conflict with the law. Pero ganyan kaseryoso ‘yung problema ‘to,” dagdag pa niya.
Mayroon namang naarestong 53 indibidwal na sangkot sa online threats at grooming.
Ang ilan sa mga ito ay sumailalim sa psychiatric counseling habang ang iba ay sumasailalim sa ibang pamamaraan.
Sa kabila nito, sinabi ni Remulla na ang mga planong pag-atake ay hindi ‘centrally’ coordinated.
Matatandaan na noong Setyembre ay naganap ang pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato kung saan tatlong estudyante ang namatay kabilang ang umano’y shooter. RNT/JGC