MANILA, Philippines – Nagsagawa ng imbestigasyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa alegasyon ng malpractice laban sa surgeon ng The Icon Clinic.
Pero una nang naglabas ang DOLE ng Work Stoppage Order (WSO) noong Oktubre 7,2026 sa naturang klinika na pagmamay-ari ni Dr. Eric “Don Yappy” Yapjuangco.
Nangangahulugan na ipinagbabawal ang operasyon ng klinika hanggang sa maisaayos ang natuklasang paglabag.
Ang paglabas ng WSO ay kaugnay sa mga ulat ng pagkamatay ng mga pasyente kabilang ang isang kaso noong 2017 at ngayong 2026 matapos sumailalim sa sabay-sabay na cosmetic procedures.
Sa Lupong Pamagawa Hearing sa tanggapan ng DOLE, inusisa ni Secretary Francis Tolentino ang klinika sa ilalim ng Article 128 ng Labor Code upang matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa at mga pasyente.
Isa-isa namang ipinaliwanag ng mga kinatawan ng The Icon Clinic ang mga proseso na ginagawa sa kanilang mga pasyente hanggang sila ay makarekober.
Inusisa rin ni Tolentino ang Department of Health (DOH) kung angkop nga ba ang kapaligiran ng klinika para sa operasyon o kaya kapag magsasagawa ng surgery.
Ayon sa DOH, tulad sa mga ospital kung saan isinasagawa ang operasyon o surgery ay ganoon din ang itsura ng klinika.
Dagdag pa, ang klinika ay minomonitor din kung saan ang huli umano ay noong Pebrero 2026. Mayroon lamang umanong mga ilang paglabag kaya naglabas sila ng ‘notice of non compliant’ at binigyan nila ng ‘stern warning’ at sapat na panahon upang itama ito.
Kinontra naman ng legal counsel ng The Icon Clinic ang sinabi ng DOH na hindi nakapag-comply ang klinika dahil ang kanyang kliyente ay tumatalima sa mga request ng DOH.
Pormal ding hiniling ng legal counsel ng klinika na matapos ang evaluation ay irekonsidera ang closure order.
Kinikilala aniya ang usapin ang DOLE ngunit dapat bigyan din sila ng oportunidad na patunayan ang kanilang sarili. Jocelyn Tabangcura-Domenden