Home HOME BANNER STORY BIR kinumpirma, mag-asawang Duterte-Carpio kumita ng P85.34M mula 2007; may LOA ring...

BIR kinumpirma, mag-asawang Duterte-Carpio kumita ng P85.34M mula 2007; may LOA ring inilabas

3
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa impeachment trial nitong Huwebes, Oktubre 8, na P85.34 milyon ang pinagsamang net income nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2007 hanggang 2025, mas mababa ng halos P13 milyon sa P98.66 milyong idineklara ni Duterte na net worth sa kanyang 2025 SALN.

Kinumpirma rin ng BIR na may letter of authority (LOA) na inilabas na may kinalaman sa Bise Presidente o sa kanyang asawa, pero hindi nito isiniwalat ang detalye dahil confidential ito.

Ang BIR official na si Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez ang nagkumpirma ng halaga sa direct examination ni House prosecution counsel Erwin Matib.

“Based po dito sa summary, ang total po is 85,343,803.23 pesos po,” ani Garcia-Marquez.

Ipinaliwanag niyang kita ito ng mag-asawa matapos ibawas ang mga gastos at buwis sa loob ng 19 na taon. Hinango ang mga summary sa taunang income tax return, dumaan sa dalawang antas ng pagsusuri, at siya mismo ang nag-finalize.

Inihambing ni Matib ang halaga sa idineklarang net worth ni Duterte.

“However, their declared net worth in respondent’s 2025 SALN is 98,656,131 pesos and 20 centavos. So dito pa lang po may gap na, may difference,” sabi ni Matib.

Tinanong naman ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero si Garcia-Marquez kung nag-isyu ang BIR ng LOA laban sa Bise Presidente o sa kanyang asawa.

“In this case, did you issue a letter of authority against either the Vice President or her spouse?” tanong ni Escudero.

“Yes, Your Honor,” sagot ni Garcia-Marquez.

Ang LOA ay ang awtoridad na nagpapahintulot sa mga revenue officer na suriin ang libro at dokumento ng isang taxpayer, at dapat itong ilabas bago magsagawa ng audit.

“But, Your Honor, if I may po, we can only state whether or not may na-issue na LOA. Not the details,” ani Garcia-Marquez. “But the details po, confidential po ito, so I cannot disclose it in this court.”

Hindi na nagpilit si Escudero matapos makumpirmang wala ang LOA sa mga dokumentong na-subpoena ng korte.

Hindi sinabi ni Garcia-Marquez kung sino sa mag-asawa ang sakop nito, kailan ito inilabas, kung tapos na ang pagsusuri, o kung may natuklasang kakulangan sa buwis.

Samantala, sinabi ni Matib na nilabag ni Duterte ang Konstitusyon dahil nagpatuloy siyang magpraktis ng abogasya matapos mahalal, at patuloy din na tumanggap ng professional fee bukod sa kanyang sahod, batay sa rekord ng BIR.

“Nilabag ni VP Sara ang Constitution. Base sa record ng BIR, si VP Sara ay nagpractice ng kaniyang profession at nakatanggap ng professional legal fees at iba pang kita maliban sa kaniyang sahod bilang Bise Presidente,” sabi ni Matib.

Hindi rin umano nito maipaliwanag ang pagtaas ng net worth ni Duterte.

“Hindi tugma ang income ni VP Sara at ng kaniyang asawa sa kanilang declared net worth. Base sa record ng BIR, P85.4 milyon ang kanilang kabuuang net income mula 2007 hanggang 2025. Hindi nito maipaliwanag ang pagtaas ng net worth na umabot ng P98 milyon sa pinakahuling SALN ni VP Sara,” ani Matib.

Iginiit din ng prosekusyon na may hindi naideklarang cash at iba pang ari-arian ang mag-asawa. Batay umano sa kanilang audited financial statements, may cash balance sila na P21 milyon noong 2022, P28 milyon noong 2023, P15 milyon noong 2024 at P13 milyon noong 2025. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here