Home TOP STORIES El Niño, posibleng maging isa sa pinakamalakas mula 1950

El Niño, posibleng maging isa sa pinakamalakas mula 1950

2
0

GENEVA, Switzerland – Patuloy pang lalakas ang El Niño bago maabot ang rurok nito sa Disyembre at posibleng maging isa sa pinakamalalakas na naitala mula noong 1950, ayon sa United Nations (UN) nitong Huwebes.

Ayon sa World Meteorological Organization (WMO), inaasahang magdudulot ang El Niño ng mas mataas na temperatura sa malaking bahagi ng mundo at pagbabago sa mga pattern ng pag-ulan, na magpapataas sa panganib ng tagtuyot at pagbaha. Maaari rin nitong palalain ang epekto ng climate change na dulot ng gawain ng tao.

Sinabi ni WMO chief Celeste Saulo na mabilis na lumalakas ang El Niño at may halos 100 porsiyentong posibilidad na magpatuloy ito hanggang Pebrero 2027.

Inaasahang aabot sa rekord na 3.7 degrees Celsius above normal ang temperatura sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang bahagi ng tropikal na Pacific Ocean sa Oktubre hanggang Disyembre 2026. Mas mataas ito sa dating rekord na 2.6 degrees Celsius noong 2015–2016.

Ang El Niño ay likas na pangyayaring nagpapainit sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang bahagi ng ekwatoryal na Pacific Ocean. Nagdudulot ito ng pagbabago sa hangin, presyon ng atmospera at pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Karaniwan itong nagaganap kada dalawa hanggang pitong taon at tumatagal nang siyam hanggang 12 buwan.

Ayon kay Saulo, hindi direktang nagdaragdag ng init ang El Niño sa planeta, kundi naglalabas ito ng init na nakaimbak sa karagatan. Dahil pinakamainit na ang karagatang sinusukat, mas marami umanong init ang maaaring mailabas.

Naapektuhan na ng El Niño ang ilang rehiyon, kabilang ang Central America, kung saan namamatay ang mga hayop at nasisira ang mga pananim dahil sa tagtuyot. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here