MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa 41 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P278.8 milyon mula sa isang habal-habal driver sa buy-bust operation na ikinasa nitong Linggo ng umaga, Oktubre 11.
Ang joint operation ay isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 7 (PDEA 7), Philippine National Police Drug Enforcement Group – Special Operating Unit, Naval Forces Central, at Cebu City Police Office Station 4 sa Arca Street sa Barangay Mabolo, Cebu City, bandang 7:18 ng umaga.
Ito umano ang pinakamalaking nakumpiskang shabu sa Central Visayas mula 2016.
Kinilala ni PDEA-7 Regional Director Joel B. Plaza ang suspek na si alyas “Erwin,” 30, motorcycle taxi driver na nakatira sa Barangay Basak Pardo, Cebu City.
Nakuha ng mga awtoridad ang 41 vacuum-sealed plastic packs na naglalaman ng hinihinalang shabu, na tumitimbang ng 41,000 gramo at may tinatayang halaga na P278.8 milyon, buy-bust money, cellular phone, sasakyan, at iba pang non-drug evidence.
Ang operasyon ay batay umano sa impormasyon na nakuha mula sa confidential informant.
Sa isang buwang case build-up, napag-alaman na kayang makapagbenta ng suspek ng lima hanggang 10 kilo ng shabu kada linggo sa Cebu.
Ipinasa na ang ebidensya sa PDEA 7 Regional Office Laboratory, habang ang suspek ay pansamantalang nasa kustodiya ng PDEA-7 sa Lahug, Cebu City at mahaharap sa reklamong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165. RNT/JGC