Home HOME BANNER STORY Riyadh airport sinapul na naman ng strike ng Houthi

Riyadh airport sinapul na naman ng strike ng Houthi

3
0

SAUDI ARABIA – Muling tinamaan ng pag-atake ng Houthi ang King Khalid International Airport sa Riyadh noong Linggo, isang araw matapos ang naunang pag-atake na ikinasawi ng hindi bababa sa 12 katao at nagbunsod ng pansamantalang pagsuspinde sa operasyon ng paliparan.

Inako ng grupong Houthi, na suportado ng Iran, ang ilang pag-atake sa nakalipas na 24 oras, kabilang ang insidente sa paliparan.

Nagbanta rin itong patuloy na tatarget sa mga pangunahing transit hub ng Saudi Arabia.

Ilang oras matapos ang pahayag ng grupo, iniulat ng koalisyon na pinamumunuan ng Saudi Arabia na tumama ang isang projectile sa paliparan at nagdulot ng sunog.

Naharang din ng air defense system ang isang missile sa kalapit na lugar.

Ayon sa civil aviation authority, may mga nasugatan sa pag-atake, bagaman hindi tinukoy ang eksaktong bilang.

Iniulat din ang panibagong pag-atake sa Dammam airport sa silangang bahagi ng bansa, na sinabi ring tinarget ng Houthi.

Kalaunan, iniulat ng koalisyon na nakapagpabagsak ito ng drone sa parehong rehiyon.

Kinondena ng United Nations at ilang lider ng mundo ang insidente, kabilang si US President Donald Trump, na nagsabing pinag-iisipan niyang sumali sa mga pag-atake ng Saudi Arabia laban sa Houthi.

Kinondena rin ito ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu bilang isang “horrific terrorist attack.”

Ayon sa civil aviation authority, kabilang sa mga nasawi ang apat na Saudi national, dalawang Bangladesh national, at tig-isang mamamayan ng Estados Unidos, Egypt, Jordan, Syria, Palestine at Sudan. Umabot naman sa 309 ang nasugatan.

Iniulat din ng embahada ng India sa Saudi Arabia na namatay noong Linggo ang isa nitong mamamayan na nasugatan sa pag-atake noong nakaraang araw. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here