ANIM na taon ang termino ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Malinaw ito sa Saligang Batas (Art. VII, Sec. 4).
Para amyendahan o rebisahin ang Konstitusyon, kailangan ang panukala ng Kongreso sa boto ng three-fourths ng lahat ng miyembro nito, o kaya ay constitutional convention. Kailangan din itong pagtibayin ng mayorya ng mga botong makukuha sa plebisito (Art. XVII).
Kaya mahirap para sa mga nais ng ‘no election’ at ‘extension of term’ ng Pangulo na makapag-BENDA LAW. Pero may SHORT CUT pala? Batas lamang daw ang kailangan para ma-extend ang termino ng Pangulo, gaya ng ginawa sa mga opisyal ng barangay at SK.
Kongreso ang gumagawa ng batas. Kaya kapag nakasaad sa Konstitusyon ang “as provided by law,” tumutukoy ito sa batas na ipinasa ng Kongreso at nilagdaan ng Pangulo. May mga probisyong nangangailangan ng implementing law upang maisakatuparan.
Nasaan ang sinasabing SHORT CUT?
Art. VII, Sec. 4, ikatlong talata: “UNLESS OTHERWISE PROVIDED BY LAW, the regular election for President and Vice President shall be held on the second Monday of May.”
Ang susunod na presidential elections ay sa Mayo 8, 2028. Pero kung gumawa ang mga kongresista ng BENDA LAW upang baguhin ang petsa ng halalan, gaya ng ginawa sa BSKE, at lagdaan ito ng Pangulo, maaari itong magbunga ng hindi pagdaraos ng halalan sa itinakdang petsa.
Maaari rin bang lumampas sa anim na taon ang termino? Ayon nga sa Solicitor General, incidental lamang ito sa fixing the term, o pagtatakda ng termino.
Magagawa ba nila ito? Kung hahayaan ng taumbayan, maaaring mangyari. Pipirmahan kaya ni BBM?
Kasama kaya sa extension ang Bise Presidente? Kapag nahatulan si VP Sara, may papalit sa kanya. Kapag napawalang-sala naman, maaari pa rin siyang maharap sa kasong plunder. Ngunit ang mga senaryong ito ay nakasalalay sa mga prosesong legal at hindi dapat ituring na tiyak na mangyayari.
Ang mas delikado, maaaring maging huwaran ito sa mga susunod na panahon, lalo na kung BENDA LAW legislators ang mga nasa Kongreso.
Ang pagbabago ng petsa ng halalan ay hindi dapat gawing palusot upang lusutan ang anim na taong limitasyon ng termino. Ang Saligang Batas ay hindi laruan ng mga mambabatas.






