Home NATIONWIDE Malawakang korapsyon sa pamahalaan, hadlang sa pag-unlad ng bayan – solon

Malawakang korapsyon sa pamahalaan, hadlang sa pag-unlad ng bayan – solon

3
0

MANILA, Philippines – Malawakang korapsyon sa pamahalaan tulad ng flood control scandal na kinasasangkutan ng ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno ang pangunahing panganib sa paglago ng ekonomiya at pagpasok ng dayuhang negosyante, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian nitong Lunes, Oktubre 12.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na maraming dayuhang negosyante ang umayaw na mamuhunan sa Pilipinas sanhi ng “corruption in doing business” sa bansa.

“Dahil sa korapsyon at inflation, ang nawala sa ating ekonomiya mula noong ikalawang quarter ng 2025 ay P2.75 trilyon sa anyo ng aktwal na pagkalugi at nawalang opportunities,” sabi ni Gatchalian sa isang nakaraang pagdinig ukol sa Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE).

Aniya, ang mga aktwal na pagkalugi ay nagmumula sa mas mabagal na local consumption at government spending para sa imprastraktura, habang ang mga nawalang pagkakataon naman ay makikita sa mga hindi naisakatuparang dayuhang pamumuhunan.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang datos mula sa Bureau of Investments na nagpapakita na ang malaking bahagi ng mga bagong pamumuhunan sa taong ito ay nagmula sa mga lokal na negosyante.

“Isa itong kabaligtaran sa takbo noong nakaraang taon kung kailan ang mga dayuhang mamumuhunan ang bumubuo sa kalakhan ng pumapasok na pamumuhunan,” ayon kay Gatchalian.

Bukod sa korapsyon, ang iba pang mga kahinaan na nagdudulot ng negatibong epekto sa paglago ng ekonomiya ng bansa ay kinabibilangan ng mga likas na kalamidad, pagdepende sa inaangkat na langis, at mga geopolitical na tensyon, ayon kay Gatchalian.

Ang RISE ay binuo sa pamamagitan ng isang resolusyong pinagtibay ng Senado at pangunahing isinulat ni Gatchalian.

Matatandaan na pinakahuling eskandalo ng corruption na yumanig sa bansa ang flood control scam na kinasasangkutan ng ilang kongresista, opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), private contractor at ilang senador. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here