MANILA, Philippines – Tinanggihan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang aplikasyon para sa akreditasyon ng dalawang motorcycle taxi platform providers (MTPPs) sa bigong pagtugon sa ilang requirements ng ahensya.
Ayon kay Atty. Greg Pua, interim chair ng LTFRB, nakita sa pagsusuri sa operasyon ng GrabBike at Dingdong RiderKo na bigo nilang maabot ang ilang kondisyon sa panahong ibinigay sa kanila.
Ang dalawang MTPPs kasi ay binigyan ng authority to operate sa kanilang pilot implementation sa Metro Manila at kalapit na mga lugar, maging sa iba pang urban areas sa Pilipinas.
Batay sa review, nakita ng LTFRB na ang dalawang MTPPs “failed to prove continued operation of motorcycle taxi service, active participation, and compliance with the Pilot Study.”
“For this reason, the Board is constrained to deny your application for accreditation as a Motorcycle Taxi Platform Provider,” sinabi pa ng LTFRB sa kanilang liham sa GrabBike at Dingdong RiderKo.
Inabisuhan ni Pua ang lahat ng MTPP na sumunod sa mga requirement ng Department of Transportation at LTFRB kapalit ng kanilang authority to operate.
Ipinunto rin niya na ang license to operate ay “not a right but a privilege that comes with obligations that must be complied with at all times.” RNT/JGC