MANILA, Philippines — Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang pagpapataw ng mabigat na multa at posibleng suspensyon o pagbawi ng local permits sa mga utility company na bigong mag-alis ng mga hindi na ginagamit at nakalaylay na kable sa mga poste.
Sa ilalim ng House Bill No. 11461, nais ni Yamsuan na obligahin ang mga kumpanyang awtorisadong magkabit o magmantine ng aerial utility cables na ayusin, tukuyin at alisin ang mga abandonado o non-operational wires na karaniwang tinatawag na “spaghetti wires.”
Nakasaad sa rekord ng Kamara na inihain ni Yamsuan ang HB 11461 noong Setyembre 23 at kasalukuyang nakabinbin sa House Committee on Public Works and Highways.
“These are accidents waiting to happen. Matagal nang hinahayaan ang ganitong problema kahit puwede namang may solusyon,” ani Yamsuan.
Sa ilalim ng panukala, dapat tiyakin ng utility providers ang maayos na pagkakakabit at maintenance ng mga overhead wire, alisin ang mga hindi na ginagamit na linya, ayusin o palitan ang mga sirang poste, at sumunod sa minimum safety clearance standards ng mga kinauukulang ahensya.
Bibigyan ang mga kumpanya ng isang taon mula sa effectivity ng batas upang sumunod. Kapag nabigo, maaari silang patawan ng P300,000 multa. Maaari ring ipataw ang multang hindi bababa sa P100,000 kada araw ng patuloy na paglabag mula sa paghahain ng reklamo sa tamang awtoridad.
Kung magdulot naman ng pinsala sa ari-arian o pagkasugat ang pagkakabit o paglilipat ng mga linya, obligadong sagutin ng kumpanya ang buong halaga ng pinsala o medical expenses at magbayad ng multang hindi bababa sa doble ng naturang halaga.
Inaatasan din sa panukala ang local government units na bantayan ang pagsunod ng utility providers. Maaari ring suspindihin o bawiin ng LGU ang permits ng kumpanyang lalabag sa safety standards.
Noong 2025, tinaya ng pamahalaang lungsod ng Maynila na umaabot sa dalawang milyong kilo ang hindi na ginagamit na mga kable na nakasabit sa mga poste sa lungsod, kasabay ng inilunsad nitong clearing operation laban sa “spaghetti wires.”
Noong Agosto 2023, tatlong tao rin ang nasugatan at walong sasakyan ang napinsala matapos bumagsak ang ilang utility poles sa Binondo, Manila. Kabilang sa mga sinuring posibleng dahilan noon ang bigat ng mga nakakabit na kable. RNT