MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga patakaran sa sahod para sa dalawang special non-working day at isang regular holiday sa Nobyembre 2026.
Batay sa Proclamation No. 1006, idineklarang special non-working days ang Nobyembre 1, bilang paggunita sa All Saints’ Day, at Nobyembre 2 para sa All Souls’ Day. Samantala, regular holiday ang Nobyembre 30 o Bonifacio Day bilang paggunita sa kaarawan ni Andres Bonifacio.
Sa ilalim ng Labor Advisory No. 18 ng DOLE, ang mga sumusunod na patakaran sa sahod ang dapat sundin sa special non-working days:
–Hindi pumasok: Iiral ang “no work, no pay” maliban kung may patakaran ang kompanya o collective bargaining agreement na nagbibigay ng bayad.
–Pumasok nang hanggang walong oras: Makakatanggap ng dagdag na 30% sa basic wage o katumbas ng 130% ng karaniwang sahod.
–Nagtrabaho nang lampas walong oras: May dagdag na 30% sa hourly rate para sa overtime, batay sa umiiral na computation ng DOLE.
–Pumasok sa araw na rest day: Makakatanggap ng dagdag na 50% sa basic wage o katumbas ng 150% para sa unang walong oras.
–Nag-overtime sa rest day: May karagdagang bayad batay sa hourly rate, 150% na rest-day rate at 30% overtime premium.
Para naman sa regular holiday gaya ng Bonifacio Day, ang mga sumusunod na patakaran ang ipatutupad:
–Hindi pumasok: Makakatanggap ng 100% ng basic wage kung pumasok o naka-paid leave ang empleyado sa araw bago ang holiday. Kung ang araw na iyon ay non-working day o rest day, dapat pumasok o naka-paid leave siya sa araw bago nito upang maging kuwalipikado sa holiday pay.
–Pumasok nang hanggang walong oras: Makakatanggap ng 200% ng basic wage o doble sa karaniwang sahod.
–Nagtrabaho nang lampas walong oras: May dagdag na 30% sa hourly rate batay sa holiday pay rate.
–Pumasok sa regular holiday na rest day din: Makakatanggap ng dagdag na 30% sa 200% ng basic wage, o katumbas ng 260% ng karaniwang sahod para sa unang walong oras.
–Nag-overtime sa regular holiday na rest day din: May karagdagang overtime premium batay sa umiiral na holiday at rest-day rate.
Pinaalalahanan ang mga employer na sundin ang mga patakaran sa sahod upang matiyak ang tamang kabayaran sa mga manggagawang papasok sa mga nasabing araw. Jocelyn Tabangcura-Domenden