MANILA, Philippines – Opisyal nang uupo bilang Kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) si Social Security System (SSS) president at chief executive officer Robert Joseph Montes de Claro.
Pinalitan ni de Claro si Henry Aguda, na nagsumite ng kanyang resignation letter kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nito lamang weekend.
Sa isang panayam kay de Claro, matapos ang panunumpa niya sa kanyang tungkulin sa harap ni Pangulong Marcos, sinabi nito na “prevention” pa rin ang magiging tugon niya sa isang malaking hamon sa kanyang magiging panunungkulan ukol sa social media platform ban.
Magsasagawa rin aniya siya ng masusing pagrebisa sa lahat ng mga proyekto, budget at procurement ng DICT.
Tiniyak naman niya sa publiko na sa loob ng tatlong buwan lamang ay makikita na ng publiko ang “clear cut plan’ kung saan nila niya dadalhin ang DICT.
Ayaw namang magkomento ni de Claro kung may pananagutan si aguda sa kontrobersyal na ghost internet scheme na iniimbestigahan ngayon ng Ombudsman.
Samantala, pinasalamatan naman ni de Claro ang kanyang mga nakasama sa SSS sa nakalipas na apat na taon. (KRIS JOSE)