BACOOR CITY, Cavite, Philippines – Isang senior citizen na ginang at tatlo nitong anak ang inaresto matapos umanong masangkot sa pagpatay sa asawa ng ginang sa Bagong Silang, Barangay San Nicolas 3, Bacoor City, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang pangunahing suspek na si alyas Marlyn, isang tindera, kasama ang tatlo nilang anak na sina alyas Marie, 24; Marlon, 38; at Candy, 33. Pawang residente ang mga ito sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang bahay, nakahandusay sa sariling dugo at may mga saksak sa katawan.
Batay sa imbestigasyon at salaysay ng mga saksi, narinig umano nilang nagtatalo ang mag-asawa bago nauwi sa pisikalan. Narinig din ang mga kalabugan mula sa loob ng bahay, bago tuluyang natahimik ang lugar.
Makalipas ang ilang sandali, nakita na lamang ang biktima na wala nang buhay at may mga saksak sa katawan.
Lumabas din sa imbestigasyon na sinabihan umano ng suspek ang anak na babae ng biktima na huwag magsabi ng anuman tungkol sa pangyayari. Dahil sa takot, nanahimik ito. Nanatili ring tahimik ang dalawa pang anak ng mag-asawa.
Napag-alaman din na nilabhan umano ng suspek ang mga damit na may dugo upang itago ang krimen.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang pinagmulan ng pagtatalo ng mag-asawa na nauwi sa pamamaslang. Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang ginang at ang tatlo nitong anak habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. MARGIE BAUTISTA