MAKARARANAS ng pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang ilang bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa easterlies o hanging nagmumula sa silangan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Quezon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque at Romblon.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dulot ng katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan.
Samantala, ang northeasterly windflow ay magdadala ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Cagayan at Isabela.
Sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon at Visayas, inaasahan ang panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms dahil sa easterlies.
Makakaranas din ang Mindanao ng isolated rain showers o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, posible ang biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng matitinding thunderstorms.
Samantala, binabantayan din ng weather bureau ang isang tropical depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Huling namataan ito sa layong 2,590 kilometro silangan ng Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging 45 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 55 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Inaasahan din ang katamtamang lakas ng hangin at alon na may taas na 1.5 hanggang 2.1 metro sa Luzon at silangang bahagi ng Visayas. RNT