Home NATIONWIDE 5 testigo, ihaharap sa ICC trial ni Duterte bago matapos 2026

5 testigo, ihaharap sa ICC trial ni Duterte bago matapos 2026

3
0

MANILA, Philippines – LIMANG testigo ang planong iharap ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) bago matapos ang 2026 sa paglilitis sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ikaapat na status conference ng ICC Trial Chamber III nitong Martes, Oktubre 13, sinabi ni ICC Senior Trial Lawyer Julian Nicholls na target nilang maiharap ang limang testigo matapos magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.

Ang mga testigo ay may identification codes na P-1302, P-1100, P-1400, P-1263 at P-0009.

Gumagamit ang ICC ng mga code upang maprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga testigo.

Nilinaw ni Nicholls na inaasahan nilang makadadalo ang limang testigo maliban kung magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari.

Inihayag din ng prosekusyon na may ilang testigong inalis na sa kanilang listahan, habang may iba pang posibleng hindi makadalo sa paglilitis.

Samantala, tinalakay rin sa pagdinig ang dami ng ebidensyang isinumite ng prosekusyon, kabilang ang humigit-kumulang 1,000 artikulo sa pahayagan tungkol sa mga pagpatay sa Davao City noong alkalde pa si Duterte.

Ayon kay Nicholls, layunin ng mga nasabing ulat na makatulong sa pagdodokumento ng mga pagpatay sa panahong limitado ang sistematikong pagtatala ng mga insidente. Tatalakayin pa sa proseso ng paglilitis ang paggamit at bigat ng mga ebidensyang ito.

Hiniling naman ng abogado ni Duterte na si Peter Haynes na isaalang-alang ang pagkakaroon ng mga pahinga sa iskedyul ng paglilitis upang mabigyang-daan ang pagbisita ng pamilya ng dating pangulo.

Sinabi ni Presiding Judge Joanna Korner na isasaalang-alang ng hukuman ang naturang kahilingan.

Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands.

Nauna nang nagpasya ang ICC Trial Chamber III na may sapat na kakayahan si Duterte na humarap sa paglilitis, batay sa pagsusuri ng mga independent medical expert.

Nahaharap ang dating pangulo sa tatlong counts ng crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay at tangkang pagpatay na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga.

Nananatiling nakakulong si Duterte sa ICC detention facility sa The Hague habang nakabinbin ang paglilitis. Hindi pa napagpapasyahan ng hukuman ang kanyang pagkakasala o kawalang-sala. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here