Home HOME BANNER STORY Taiwan, pinag-aaralan mas murang direktang hiring para sa Pinoy workers

Taiwan, pinag-aaralan mas murang direktang hiring para sa Pinoy workers

1
0

MANILA, Philippines – PINAG-AARALAN ng Taiwan ang bagong direct-hiring arrangement para sa mga overseas Filipino worker (OFW) upang mabawasan ang gastos sa recruitment at mapabilis ang pagkuha ng mga manggagawa ng mga kumpanyang Taiwanese.

Inihayag ito ni Taipei Economic and Cultural Office (TECO) Representative Wallace Minn-Gan Chow sa isang pagtitipon sa Taguig City noong Oktubre 8.

Sinabi ni Chow na layunin ng panukala na mapababa ang gastusin ng mga Pilipinong nais magtrabaho sa Taiwan, mapalakas ang proteksyon sa kanilang karapatan at mapadali ang proseso ng recruitment.

Bahagi rin ito ng pagpapalawak ng serbisyo ng TECO, na nagtatag ng sariling labor division ngayong taon upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino.

Ayon kay Chow, mahigit 191,000 OFW ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Taiwan, dahilan upang maging pangatlo ang Pilipinas sa pinakamalaking pinagmumulan ng migrant workers sa naturang lugar.

May umiiral nang Special Hiring Program for Taiwan (SHPT), isang government-facilitated recruitment arrangement na nagbibigay-daan sa pagkuha ng mga manggagawang Pilipino nang hindi dumaraan sa pribadong recruitment agency.

Sa ilalim ng kasunduang ipinatupad noong 2015, ginagamit ang International Direct E-Recruitment System upang mabawasan ang recruitment expenses at mapabilis ang proseso ng pagkuha ng mga manggagawa.

Gayunman, hindi pa nililinaw ng Taiwan kung paano maiiba ang pinag-aaralang bagong direct-hiring arrangement sa umiiral na programa.

Wala ring inihayag na tiyak na petsa ng pagpapatupad o bagong proseso ng aplikasyon para sa mga interesadong Pilipino.

Samantala, sinabi ni Chow na nais pang palawakin ng Taiwan at Pilipinas ang kanilang kooperasyon sa semiconductor industry, artificial intelligence at advanced manufacturing. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here