Home HOME BANNER STORY VP Sara: No, no, no. I will not resign

VP Sara: No, no, no. I will not resign

1
0

MANILA, Philippines – WALANG balak magbitiw sa puwesto si Vice President Sara Duterte sa kabila ng nagpapatuloy na impeachment trial laban sa kanya, at nananatili siyang determinado na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 national elections.

“No, no, no. I will not resign. I will never resign from the Office of the Vice President,” mariing pahayag ni Duterte sa press briefing sa sidelines ng 52nd Philippine Business Conference and Expo sa Manila Hotel nitong Martes, Oktubre 13.

Nang tanungin kung itutuloy niya ang pagtakbo sa 2028 presidential elections sa gitna ng mga kontrobersiya, maikli niyang sinagot ito ng “Yes.”

Sinabi rin ng Bise Presidente na nakikita niyang pagkakataon ang impeachment trial upang masuri ng publiko ang mga alegasyon laban sa kanya.

“Kaya nga, in one way, nakikita ko as a blessing yung impeachment trial dahil diyan ay makikilatis at ma-scrutinize na ng mga tao yung mga katanungan nila sa pagkatao ko,” ani Duterte.

Kasabay nito, nagbabala siya sa posibilidad ng dayaan at patuloy na paninira o tinatawag niyang black propaganda sa nalalapit na halalan.

“Kung matutuloy man ang 2028 national elections, expect niyo na yung dayaan diyan at expect niyo na tutuloy-tuloy yung tawag nila ng black propaganda,” pahayag niya.

Gayunman, walang inilahad na partikular na ebidensya sa nasabing pahayag na magaganap ang pandaraya sa 2028 elections.

Samantala, inanunsyo rin nitong Martes ng House prosecution panel na hindi na nito itutuloy ang tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Duterte.

Ayon kay House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, itutuon na lamang nila ang kaso sa Article II, na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth at hindi wastong pagdedeklara umano ng mga ari-arian at interes sa negosyo.

Kabilang sa mga hindi na itutuloy ng prosekusyon ang mga impeachment article tungkol sa confidential funds, bribery at grave threats.

Nauna nang itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya at kinuwestiyon ang mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon.

Nakatakdang magsimula ang presentasyon ng ebidensya at mga testigo ng depensa sa Nobyembre 9.

Sakaling mahatulan sa impeachment trial, maaaring matanggal sa puwesto at madiskuwalipika si Duterte sa paghawak ng pampublikong tungkulin, na makaaapekto sa kanyang planong pagtakbo sa 2028. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here