Home HOME BANNER STORY 16.8M pamilyang Pinoy, itinuturing ang sarili na mahirap — SWS

16.8M pamilyang Pinoy, itinuturing ang sarili na mahirap — SWS

3
0

MANILA, Philippines – UMABOT sa tinatayang 16.8 milyong pamilyang Pilipino ang nagtuturing sa kanilang sarili na mahirap noong Setyembre 2026, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Sa survey na inilabas nitong Martes, Oktubre 13, tumaas sa 55% ang self-rated poverty mula sa 49% noong Hunyo, katumbas ng anim na percentage points na pagtaas.

Mula ito sa tinatayang 13.6 milyong pamilyang nagsabing mahirap sila noong nakaraang survey.

Pinakamataas ang self-rated poverty sa Mindanao na umabot sa 64%, kasunod ang Visayas sa 63%, Balance Luzon o mga bahagi ng Luzon sa labas ng Metro Manila sa 51%, at National Capital Region (NCR) sa 44%.

Bagama’t Mindanao ang may pinakamataas na porsyento ng kahirapan batay sa sariling pagtataya, sa Balance Luzon naitala ang pinakamalaking pagtaas na 10 percentage points mula sa 41% noong Hunyo.

Samantala, umakyat din sa 44% ang mga pamilyang nagtuturing sa kanilang sarili na mahirap pagdating sa pagkain, mula sa 36% noong Hunyo.

Katumbas ito ng tinatayang 13.3 milyong pamilya na nagsabing food-poor sila batay sa uri ng pagkaing kanilang nakakain.

Ayon sa SWS, ito ang pinakamataas na self-rated food poverty rate mula noong Disyembre 2024, nang umabot ito sa 51%.

Lumabas din sa survey na tumaas sa P15,000 mula P14,000 ang national median na buwanang badyet na sinasabi ng mahihirap na pamilya na kailangan nila upang hindi na maituring na mahirap.

Umakyat din sa P6,000 mula P5,000 ang median na kakulangan sa kanilang buwanang badyet.

Samantala, tinatayang 2.2 milyong pamilya ang kabilang sa tinatawag na newly poor o mga pamilyang nagsabing hindi pa sila mahirap isa hanggang apat na taon na ang nakalipas.

Isinagawa ang survey mula Setyembre 21 hanggang 27, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 Pilipinong edad 18 pataas sa buong bansa.

May sampling error margin itong ±3 percentage points sa pambansang resulta.

Ang self-rated poverty ay batay sa sariling pagtataya ng mga respondent sa kalagayan ng kanilang pamilya at hindi katumbas ng opisyal na poverty incidence na sinusukat ng Philippine Statistics Authority (PSA). Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here