Home NATIONWIDE Ex-DPWH engineer ibinuking: 100 proyekto, iisang inspector lang sa Mindoro

Ex-DPWH engineer ibinuking: 100 proyekto, iisang inspector lang sa Mindoro

3
0

MANILA, Philippines – ISANG project inspector lamang umano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang naatasang mangasiwa sa inspeksyon ng 100 proyekto sa isla ng Mindoro, ayon sa testimonya ng isang dating inhinyero ng ahensya sa Sandiganbayan.

Sinabi ni dating DPWH-Mimaropa engineer Felisardo Casuno na nahihirapang magsagawa ng aktuwal na inspeksyon ang mga tauhan dahil sa dami ng kanilang proyekto at iba pang tungkulin sa opisina.

Inilahad ito ni Casuno sa pagdinig ng Sandiganbayan Sixth Division kaugnay ng kasong malversation laban sa kanya, dating kongresistang si Zaldy Co at iba pang akusado sa umano’y iregularidad sa P289-milyong road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ayon kay Casuno, bukod sa pagiging project inspector, nagsisilbi ring technical staff sa iba’t ibang dibisyon ng DPWH ang ilang tauhan.

Pinangalanan din umano niya ang anim pang inspector na may katulad na tungkulin.

Sa ilalim ng DPWH Department Order No. 115, Series of 2018, kabilang sa responsibilidad ng project inspectors ang pagsubaybay sa araw-araw na aktibidad ng proyekto, pagtiyak na naaayon sa mga plano at espesipikasyon ang konstruksyon, at pagdalo sa mahahalagang yugto ng paggawa.

Kailangan din nilang magtala ng mga aktibidad, kabilang ang kondisyon ng panahon, at magsumite ng mga ulat tungkol sa progreso ng proyekto.

Nauna nang iginiit ng abogado ni Casuno na dahil sa sabay-sabay niyang tungkulin bilang project engineer, materials engineer at Engineer III, napakahirap para sa kanya na personal na masubaybayan ang bawat proyektong nakatalaga sa kanya.

Kabilang si Casuno sa mga akusado sa kasong may kaugnayan sa umano’y hindi pagsunod sa itinakdang espesipikasyon ng mga materyales sa flood control project sa Oriental Mindoro.

Gayunman, hindi pa nangangahulugan na napatunayan ang kakulangan sa tauhan o naaalis ang pananagutan ng sinumang akusado dahil sa nasabing testimonya.

Samantala, kinansela ang nakatakda sanang susunod na pagdinig sa Huwebes dahil hindi available ang inaasahang testigo. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here