MANILA, Philippines – IPINABUWAG ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Task Force Disiplina matapos masangkot ang isa sa mga tauhan nito sa pamamaril na ikinamatay ng tatlong kabataan, kabilang ang isang menor de edad, sa Barangay Batasan Hills.
Sa opisyal na pahayag ng pamahalaang lungsod nitong Martes, Oktubre 13, agad na pinabalik ang lahat ng miyembro ng task force sa kanilang mother unit na Department of Public Order and Safety (DPOS).
Wala na ring pinahihintulutang operasyon o pagroronda sa ilalim ng Task Force Disiplina kasunod ng pagbuwag dito.
Bago makapagpatuloy sa serbisyo sa DPOS, kailangang sumailalim ang bawat miyembro sa mahigpit na background check, neuropsychological examination at drug test, bukod sa pagsusumite ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at pulisya.
Kaugnay ito ng pamamaril noong madaling araw ng Lunes, Oktubre 12, sa Senatorial Road, Barangay Batasan Hills, na ikinasawi ng tatlong magkakaibigan.
Batay sa mga paunang ulat ng pulisya, sinita umano ng suspek ang mga biktima dahil sa pananatili sa labas nang dis-oras ng gabi.
Nauwi umano sa pagtatalo ang insidente bago pinagbabaril ang mga kabataan. Inaresto naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.
Nauna nang kinondena ng lokal na pamahalaan ang insidente at sinabing sinibak na sa serbisyo ang sangkot na tauhan.
Nilinaw din ng Quezon City government na walang baril na iniisyu sa sinumang miyembro ng Task Force Disiplina at tanging mga pulis lamang ang awtorisadong magdala ng armas sa hanay ng mga tauhan at force multiplier ng lungsod.
Dahil dito, inatasan ni Belmonte ang Quezon City Police District (QCPD) na paigtingin ang kampanya laban sa mga ilegal na baril.
Hinikayat din ang publiko na tumawag sa Helpline 122 kung may makikitang mga nakaunipormeng miyembro ng Task Force Disiplina na patuloy na nagroronda sa kanilang barangay.
Samantala, tiniyak ng pamahalaang lungsod ang pakikipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanagot ang responsable sa pagpatay at mabigyan ng hustisya ang mga biktima. Santi Celario