Home NATIONWIDE Diplomatikong relasyon sa China, hiwalay sa pagtatanggol sa WPS — Malacañang

Diplomatikong relasyon sa China, hiwalay sa pagtatanggol sa WPS — Malacañang

2
0

MANILA, Philippines – WALANG ipinagbabawal sa pakikipagkalakalan at pamumuhunan ng Pilipinas sa China, ngunit ibang usapin ang pagtatanggol sa karapatan at interes ng bansa sa West Philippine Sea (WPS), paglilinaw ng Malacañang.

Ginawa ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag nitong Martes, Oktubre 13, kasunod ng mga batikos sa administrasyong Marcos kaugnay ng relasyon nito sa China.

Ayon kay Castro, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa China sa pamamagitan ng mga diplomatikong paraan sa kabila ng mga hindi pagkakaunawaan sa West Philippine Sea.

“Hindi puwedeng sabihin na dine-demonize ang China. There is no prohibition in dealing with China in relation to trade and investment,” ani Castro.

“Iba naman ang usapan kung ipinaglalaban natin ang sarili nating teritoryo at ang interes natin sa West Philippine Sea. Magkaiba ‘yun, huwag pagsamahin,” dagdag niya.

Tugon ito sa pahayag ni Atty. Salvador Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na hindi dapat gawing instrumento ng political propaganda ang China.

Nauna ring kinuwestiyon ni Duterte ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring maging seryosong banta sa pambansang seguridad ang umano’y pondong mula China na natanggap ng isang kumpanyang inuugnay sa kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

Ayon sa Bise Presidente, maaaring magbigay ng maling impresyon ang pahayag ng Pangulo na maging ang mga negosyong may kalakalan sa China ay itinuturing na banta sa bansa.

Gayunman, nilinaw ni Castro na ang tinutukoy ni Marcos ay ang posibilidad na nagamit ang pondong mula sa ibang bansa para sa mga gawaing politikal, na maaaring magkaroon ng implikasyon sa pambansang seguridad kung mapatutunayan.

Kaugnay nito, kinuwestiyon ng Palasyo ang mga transaksyon ng Cale88 Foods Corp., isang kumpanyang may kaugnayan kay Carpio.

Batay sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na inilahad sa impeachment trial ni Duterte, nakatanggap ang Cale88 ng mahigit P319 milyong remittance mula China at Hong Kong.

Gayunman, wala pang pinal na konklusyon na ang naturang pondo ay nagmula sa pamahalaan ng China o ginamit para sa mga aktibidad na politikal.

Nauna nang iginiit ng kampo ni Duterte na walang ebidensyang direktang nag-uugnay sa mga pondong natanggap ng kumpanya sa pamahalaang Chinese.

Binigyang-diin naman ng Malacañang na ang lehitimong pakikipagnegosyo sa China ay hindi awtomatikong maituturing na banta sa pambansang seguridad.

Patuloy na pinag-aaralan ang pinagmulan at layunin ng mga transaksyong inilatag sa impeachment proceedings. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here