MANILA, Philippines – KINUESTIYON ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang umano’y pag-aaksaya ng pondo ng bayan matapos payagan ng Senate impeachment court ang pagbawi sa tatlo sa apat na impeachment articles laban sa Bise Presidente.
Sinabi ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte, na humigit-kumulang 20 araw ng paglilitis ang ginugol sa dalawang binawing articles na may kaugnayan sa confidential funds at grave threats.
Ayon kay Panelo, kung ibabatay sa tinatayang P25 milyong arawang operating expenses ng Senado, aabot sa P500 milyon ang nagastos sa pagdinig sa mga kasong hindi na pagbobotohan ng mga senator-judge.
Iginiit pa niyang maaaring lumampas sa P1 bilyon ang kabuuang gastusin kung isasama ang iba pang kaugnay na gastos ng mga mambabatas at opisyal na lumahok sa proceedings.
Gayunman, nauna nang nilinaw ni Senate President Sherwin Gatchalian na ang P25 milyon ay regular na arawang operating expenses ng Senado, kabilang ang suweldo, kuryente at iba pang gastusin, at hindi karagdagang gastos para sa impeachment trial.
Ayon sa fact-check ng VERA Files noong Hulyo at Setyembre, walang inilabas na opisyal na financial records na nagpapatunay na P25 milyon ang aktuwal na ginagastos kada araw sa impeachment proceedings.
Bukod sa usapin ng pondo, kinuwestiyon din ni Panelo ang umano’y pananahimik ng Senate majority sa naging desisyon ng impeachment court.
Iginiit niyang hindi nabigyan ng sapat na pagkakataon ang Bise Presidente na sagutin ang mga paratang matapos maiharap sa publiko ang mga ebidensya laban sa kanya.
Nauna nang pinayagan ng Senate impeachment court nitong Martes, Oktubre 13, ang pagbawi sa Article I tungkol sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, Article III sa bribery at Article IV sa grave threats.
Ang Article II na lamang, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth, ang mananatiling batayan ng pagpapatuloy ng paglilitis.
Ayon naman kay House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, sapat na ang mga ebidensyang naiharap sa Article II upang suportahan ang kanilang kahilingang patalsikin sa puwesto si Duterte.
Sinabi rin ng prosekusyon na makatutulong ang pagbawas sa impeachment articles upang mapabilis ang paglilitis at hindi na kinakailangang magharap ng 32 pang testigo.
Samantala, nilinaw ng impeachment court na hindi na pagbobotohan ang tatlong binawing articles, habang maaari nang talakayin ng magkabilang panig ang mga alegasyong saklaw ng mga ito matapos alisin ang kaukulang sub judice restriction.
Nakatakdang ipagpatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 9, kung kailan inaasahang magsisimula ang presentasyon ng ebidensya ng depensa kaugnay ng natitirang impeachment article.