MANILA, Philippines — Mas malaking oportunidad sa pandaigdigang merkado ang nais buksan ng Bureau of Customs (BOC) para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa bansa, sa layuning mapalakas ang lokal na produksyon at mapalago ang export industry.
Ito ang binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno sa kanyang keynote speech sa ika-5 taunang ASEAN DHL GoTrade Summit na ginanap sa Philippine International Convention Center.
Ayon kay Nepomuceno, handa ang ahensya na maging katuwang ng maliliit at katamtamang laki ng negosyo upang makasabay ang mga ito sa pandaigdigang kalakalan.
Giit niya, kailangang palakasin ng Pilipinas ang kakayahang gumawa at mag-export ng sariling produkto sa halip na umasa sa mga inaangkat mula sa ibang bansa.
Naniniwala ang opisyal na sa tulong ng mas maayos na proseso sa adwana at suporta sa mga negosyante, mas maraming lokal na negosyo ang magkakaroon ng pagkakataong lumawak ang operasyon at makapasok sa international market.
Binigyang-diin din ni Nepomuceno na ang mga programa at proyektong isinusulong ng BOC ay nakatuon sa pagpapadali ng kalakalan at pagtulong sa paglago ng mga negosyo.
Samantala, pinuri ni Department of Trade and Industry Secretary Cristina Aldeguer-Roque ang pakikipagtulungan ng BOC sa pamahalaan upang mapabilis ang paggalaw at pagpapadala ng mga produkto ng malalaki at maliliit na kumpanya.
Ayon kay Roque, malaking tulong ang maagap na aksyon ni Nepomuceno, maging sa mga pagkakataong kinakailangan ang koordinasyon sa labas ng karaniwang oras ng trabaho, upang matiyak na maipapadala sa takdang panahon ang mga kargamento ng mga negosyo.
Bahagi ang inisyatibang ito ng mas malawak na programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isulong ang digitalisasyon at gawing mas episyente ang proseso ng kalakalan.
Sa pamamagitan ng mas pinasimpleng customs procedures at mas matibay na koordinasyon ng mga ahensya, layon ng BOC na bigyan ng mas malaking puwang ang mga negosyong Pilipino sa pandaigdigang merkado at makatulong sa paglikha ng mas maraming oportunidad sa ekonomiya. Jay Reyes