Home NATIONWIDE Malacañang, kinuwestiyon puna ni VP Sara sa drug seizure sa Laos

Malacañang, kinuwestiyon puna ni VP Sara sa drug seizure sa Laos

1
0

MANILA, Philippines – KINUWESTIYON ng Malacañang ang naging reaksyon ni Vice President Sara Duterte sa pagkakasabat ng bilyong pisong halaga ng ilegal na droga sa Laos at Thailand na umano’y nakatakdang dalhin sa Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nitong Martes, Oktubre 13, na tila hindi nabibigyang-pansin ng Bise Presidente ang mga operasyon ng administrasyong Marcos laban sa pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa.

“Nakakapagtaka na sa lahat-lahat po nang nai-intercept na mga iligal na droga ay ito ang tanging… bukod tangi – kung mayroon akong maling nasabi, ako ay inyong ikorek – pero parang ito ang bukod tanging napakabilis na mag-react ng Bise Presidente,” ani Castro.

Nauna nang nagpahayag ng pagkahiya si Duterte matapos mabalitang Pilipinas ang destinasyon ng malalaking shipment ng ilegal na droga na nasabat ng mga awtoridad sa Laos at Thailand.

Nagpasalamat din ang Bise Presidente sa dalawang bansa at nanawagan na palakasin pa ng pamahalaan ang kampanya laban sa ilegal na droga.

Bilang tugon, binanggit ni Castro ang magkakahiwalay na operasyon ng Bureau of Customs (BOC) na nagresulta sa pagkakasabat ng mahigit P560 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa mga paliparan sa bansa.

Kabilang dito ang P496.4 milyong halaga ng shabu na itinago sa makinarya sa Ninoy Aquino International Airport noong Oktubre 5, P43.7 milyong halaga ng droga mula sa walong abandonadong parcel na iniulat noong Oktubre 12, at P20.7 milyong halaga ng ketamine sa Clark International Airport noong Oktubre 6.

Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang posibleng koneksyon sa Pilipinas ng 521 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.54 bilyon na nasabat sa isang private jet sa Luang Prabang International Airport sa Laos.

Kinumpirma ng PNP na may isang Pilipinong naaresto kaugnay ng insidente, habang patuloy na tinutukoy ng mga imbestigador ang iba pang posibleng kasabwat at ang buong operasyon ng sindikato.

Ayon kay Castro, batay sa impormasyon ng PDEA, patungo umano sa Mindanao ang naturang shipment at may kaugnayan sa Golden Triangle, isang rehiyong kilala sa produksyon at kalakalan ng ilegal na droga sa Southeast Asia.

Binigyang-diin naman ng Palasyo na patuloy ang koordinasyon ng BOC, PDEA at PNP upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga at mapanagot ang mga responsable sa pagpupuslit nito.

Wala pang inilalabas na pinal na resulta ang mga awtoridad tungkol sa buong network sa likod ng shipment na nasabat sa Laos. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here