NAGLALAKIHANG alon ang humahampas sa Navotas seawall dahil sa lakas ng hangin dala ng bagyong Uwan. JOJO RABULAN
MANILA, Philippines – TATLO hanggang limang bagyo ang posibleng mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mula Oktubre 2026 hanggang Marso 2027 sa kabila ng nararanasang matinding El Niño, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa climate outlook ng weather bureau, inaasahang isa hanggang dalawang tropical cyclone ang maaaring mabuo o pumasok sa PAR kada buwan mula Oktubre hanggang Disyembre ngayong taon.
Pagsapit ng Enero 2027, posibleng wala o isang bagyo lamang ang mabuo, habang maliit naman ang posibilidad ng pagbuo ng bagyo sa Pebrero at Marso.
Ipinaliwanag ni PAGASA Mactan Chief Engr. Al Quiblat na bagama’t karaniwang nababawasan ang bilang ng mga bagyong pumapasok sa PAR kapag may El Niño, hindi nito inaalis ang posibilidad ng malalakas na bagyo.
Ayon kay Quiblat, maaaring lumakas ang mga tropical cyclone na namumuo sa malalayong bahagi ng Karagatang Pasipiko dahil sa mas mahabang panahong nananatili ang mga ito sa karagatan bago makarating sa Pilipinas.
Samantala, nagbabala ang PAGASA na posibleng lumala ang kakulangan sa ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa patuloy na paglakas ng El Niño.
Batay sa weather bureau, isang strong to very strong El Niño ang kasalukuyang nararanasan sa tropical Pacific at inaasahang magpapatuloy hanggang unang kalahati ng 2027.
Posible rin itong umabot sa pinakamataas na antas bago matapos ang 2026.
Dahil dito, tumataas ang panganib ng dry spell, tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig sa ilang lalawigan.
Sa pagtataya ng PAGASA, posibleng umabot sa 19 na lalawigan ang makaranas ng drought conditions pagsapit ng Disyembre, mula sa walong lalawigang inaasahang makararanas nito sa pagtatapos ng Oktubre.
Gayunman, nilinaw ng weather bureau na hindi nangangahulugang tuluyang mawawala ang pag-ulan kapag may El Niño.
Maaari pa ring makaranas ng malalakas na pag-ulan dahil sa mga bagyo at iba pang weather systems kahit mas mababa sa normal ang kabuuang dami ng ulan sa isang lugar.
Patuloy na minomonitor ng PAGASA ang kondisyon ng panahon at El Niño upang makapagbigay ng mga bagong babala at pagtataya sa mga posibleng epekto nito sa bansa. Santi Celario