MANILA, Philippines – Inaasahang tetestigo laban kay Senador Jinggoy Estrada sina dating public works secretary Manuel Bonoan at iba pang whistleblowers para sa kanyang plunder case sa kickback scheme sa flood control projects, ayon sa prosekusyon nitong Miyerkules, Oktubre 14.
Nauna nang inalis si Bonoan bilang akusado sa Sandiganbayan Fifth Division matapos ang hakbang ng Office of the Ombudsman na gawin siyang state witness.
Kinontra naman ni Estrada ang mosyong ito at iginiit na malilimitahan lamang nito ang kanyang depensa.
Ayon sa prosekusyon, ipipresenta ang 21 witness sa bail hearing ni Estrada na itinakda mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 12 para ipakita na matibay ang ebidensya laban sa senador at co-accused nitong mga opisyal ng DPWH.
Kabilang sa mga witness ang isang opisyal ng Senado, DPWH Central Office executives at human resource officers, at isang NBI officer.
Lumahok si Estrada sa pretrial sa pamamagitan ng teleconference ngayong araw.
Inatasan ito ng korte na pumirma ng pretrial order na naglilista ng mga witness at ebidensyang ipipresenta. RNT/JGC