Home NATIONWIDE Mga Pinay binalaan sa ‘love scam’, reklamo sa BOC dagsa

Mga Pinay binalaan sa ‘love scam’, reklamo sa BOC dagsa

1
0

MANILA, Philippines – Binalaan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga kababaihan kaugnay sa laganap na ‘love scam.’

Sa Kapihan sa Manila Bay, partikular na tinukoy ni Customs Commissioner Atty. Ariel Nepomuceno ang mga senior citizens na nabibiktima rin ng nasabing modus ng mga dayuhan o foreigner.

Ayon kay Nepomuceno, isang malaking problema ngayon sa BOC ang love scam dahil umaabot na sa higit 70 o halos 74 complaint ang kanilang natatanggap kada buwan mula Enero hanggang ngayong Oktubre 14 o nasa kabuuang halos 700 na ngayong 2026.

Modus aniya ng mga dayuhan na ligawan ang mga Pinay sa pamamagitan ng social media.

Padadalhan ng mga regalo tulad ng alahas at minsan ay cash na nagkakahalaga ng 20,000 US dollars na katumbas ng P10 milyon.

Pero dahil bawal umano sa BOC ang nasabing malaking halaga, isa sa naging biktima ng love scam ang kinailangan umanong makapagpadala sa kanyang boyfriend ng 1,000 US dollar na ipambabayad naman daw sa customs para mai-release ang milyong halaga.

Ayon kay Nepomuceno, ipinapadala ng mga biktima ang pera sa pamamagitan ng e-wallets.

Karamihan sa mga Pilipinang nabibiktima noong una ay mga senior citizen at mga nasa edad 40 hanggang 50 pataas.

Nanawagan si Nepomuceno sa mga kababaihang Pinay na mag-isip-isip lalo na kapag hinihingan ng pera ng kanilang umanong dayuhang boyfriend lalo na kapag sandali pa lamang nagkakilala.

“Hopefully may makinig sa ating mga kababayan na kapag ang boyfriend niyo o girlfriend niyo ay hiningan kayo ng pera, palagay ko mag-isip-isip kayo unless boyfriend niyo for the longest time.”

“Pero ‘pag bago niyo pa lang kakilala at hinihingan kayo ng pera palagay ko hindi kayo mahal nun,” babala ng opisyal.

Binanggit din ni Nepomuceno na karamihan sa reklamo ay dumaragsa tuwing Enero. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here