MANILA, Philippines – Inirekomenda ng National Bureau of Investigation ang paghahain ng kriminal na reklamo laban sa 12 tauhan ng Department of Public Works and Highways at Genesis88 Construction Inc. sa umano’y iregularidad sa flood control projects sa Davao City.
Sa referral na ipinasa sa Department of Justice, inirekomenda ng NBI ang dagdag pang imbestigasyon sa apat na kaso sangkot ang mga proyekto na hawak ng DPWH Davao City District Engineering Office at iginawad sa Genesis88.
Kabilang sa mga pangalan na nasa referral ay ang mga district engineer, iba pang tauhan ng DPWH, may-ari ng Genesis88 at ilang empleyado nito.
Kasama rin sa mga inirekomendang reklamo ay ang falsification by a public officer sa ilalim ng Article 171 ng Revised Penal Code at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ipinadala ang reklamo kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon para sa evaluation at preliminary investigation.
Ang mga kaso ay nag-ugat sa mas malawak na imbestigasyon ng ahensya sa flood control projects sa First District ng Davao City na inirerepresenta ni Rep. Paolo “Pulong” Duterte.
Nauna nang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na may pinuna ang ahensya ng 47 sa 100 proyekto sa posibleng iregularidad, kabilang ang hinihinalang ghost o substandard projects.
Tinututukan sa inisyal na imbestigasyon ang nasa P1.9 bilyong halaga ng proyekto na iginawad sa iisang constractor, ang Genesis88.
Kalaunan ay pinalawak pa ng NBI ang pagsusuri nito sa mga proyekto at napag-alaman na umaabot sa P7 bilyon ang sakop ng pondo mula 2018 hanggang 2024.
Sinuri rin ng mga imbestigador ang project site at nakita na pinondohan ito ng limang beses sa ilalim ng iba’t ibang project titles ngunit may magkakaparehong coordinates.
Bilang bahagi ng imbestigasyon, ipinasa ng DPWH Region XI ang 10 kahon ng mga dokumento sa NBI noong Setyembre.
Humarap din si Regional Director Juby Cordon sa mga imbestigador matapos ipa-subpoena.
Ani Matibag, layon ng imbestigasyon na mapatunayan kung ang pondo ng bayan ay ginamit sa maling pamamaraan at kung nararapat ang pagsasampa ng kriminal na reklamo.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng NBI ang evaluation ng DOJ upang malaman kung ano ang susunod na hakbang sa preliminary investigation.
Bibigyan naman ng pagkakataon ang mga respondent na sumagot. RNT/JGC