Home NATIONWIDE P20M hinihinalang illegal import na bigas nasamsam sa Cavite

P20M hinihinalang illegal import na bigas nasamsam sa Cavite

11
0

MANILA, Philippines – Nasa 16,492 na sako na pinaghihinalaang imported rice na may halagang ₱20 milyon ang nasabat ng pulisya makaraang salakayin ang isang bodega sa Barangay Malainen Bago, Naic, Cavite.

Ayon sa nakalap na report mula sa Cavite Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), katuwang ang CIDG Regional Field Unit 4A, Bureau of Customs (BOC), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Region 4A, Naval Intelligence and Security Group (NISG), at Philippine Coast Guard (PCG) ay may kabuuang 16,492 sako ng bigas ang nakumpiska sa isinagawang operasyon.

Base sa ulat, nagsimula ang operasyon dakong alas-11:00 ng umaga hanggang sa natapos ito bandang alas-9:30 ng gabi matapos inspeksyunin ang naturang bodega na pinaghihinalaang ginagamit sa hindi awtorisadong paghahalo ng imported na bigas sa lokal na ani.

Napag-alaman na nakarating kay CIDG Director PMGEN Robert AA Morico II, at sa bisa ng Letter of Authority (LOA) na inilabas ng Bureau of Customs upang alamin ang impormasyong na may nagaganap kaugnay sa umanong ilegal na aktibidad sa nasabing lugar.

Layunin ng inspeksiyon na matukoy kung sumusunod ang bodega sa umiiral na batas at regulasyon sa customs, partikular sa ilalim ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Isa sa mga pangunahing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang umano’y paghahalo ng imported na bigas sa lokal na bigas.

Posible rin umanong magamit ang naturang paraan upang maibenta ang bigas sa presyong hindi tumutugma sa tunay nitong kalidad o pinagmulan.

Binigyang-diin ni Morico na mahalagang masugpo ang smuggling, customs fraud at iba pang ilegal na aktibidad na maaaring makapinsala sa lokal na industriya ng agrikultura at sa kapakanan ng publiko.

Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang inilabas na ulat kung may naarestong indibidwal o kung sino ang may-ari at operator ng naturang bodega.

Patuloy pa rin ang pagkalap ng impormasyon kaugnay sa nasabing ilegal na aktibidad upang pormal na masampahan ng kaso ang mga taong sangkot rito. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here