Home NATIONWIDE Hakbang ng gobyerno sa epekto ng El Nino mas pinaiigting

Hakbang ng gobyerno sa epekto ng El Nino mas pinaiigting

1
0

MANILA, Philippines – MAS PINAIGTING at pinalakas ng gobyerno ang lahat ng mga ginagawa nito laban sa El Niño.

Ito ang kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na nakatutok upang maibsan ang epekto ng tagtuyot sa bansa.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na proactive at maagap ang Pangulo at ang administrasyon sa pagtugon sa isyu ng El Niño, whole-of-government approach ang isinasagawa rito.

“Every drop counts – bawat patak ng tubig ay mahalaga, bawat patak ay iniipon at hindi inaaksaya, bawat patak ay makakasalba,” ani Castro.

Partikular aniyang na nakatuon si Pangulong Marcos sa pagpapanatili nang sapat na suplay ng pagkain, tubig, kuryente at langis.

Prayoridad din ng Pangulo ang pagprotekta sa kalusugan at kabuhayan ng taumbayan at paghikayat sa bawat pamilya na magtipid at maghanda upang malampasan ang mga epekto ng El Niño.

Sa meeting kahapon, binigyang-diin ng Pangulo na dapat tutukan ang mga sumusunod: agrikultura at seguridad sa pagkain; kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa; water conservation at water security measures; seguridad sa enerhiya at suplay ng langis; at public information campaign.

Sinisiguro rin ng pamahalaan ang sapat na suplay ng bigas at iba pang pangunahing pagkain sa pamamagitan ng paghahanda ng reserbang suplay at pag-aangkat kung kinakailangan.

Magbibigay din ng tulong pinansiyal, pansamantalang trabaho at pagsasanay sa mga magsasakang maapektuhan ng tagtuyot upang suportahan ang kanilang kabuhayan.

Tiniyak din aniya ng Pangulo ang sapat na suplay ng kuryente, tubig, gamot at kagamitan sa mga ospital at health facility habang nakahanda ang DOH sa pangunguna ni Secretary Edwin Mercado laban sa mga sakit na dulot nang matinding init.

Palalakasin din aniya ang suplay ng tubig sa pamamagitan ng cloud seeding, maayos na pamamahala sa mga dam, pagtatayo ng mga water treatment plant at paggamit ng mga water tanker at pag-activate ng 61 decommissioned deep wells upang mapalakas ang suplay ng tubig sa Metro Manila.

Inaasahan ding madaragdagan ang suplay ng tubig sa Metro Manila sa pamamagitan ng mga bagong proyekto kabilang ang Kaysakat Water Treatment Plantsa Upper Wawa Dam na matatapos sa susunod na buwan.

Ang bawat galaw ng gobyerno para sa taumbayan sa panahon ng El Niño ay titiyaking mararamdaman. Kaya hinihikayat ng pamahalaan ang publiko at pribadong sektor na magkaisa upang mabawasan ang banta ng El Niño sa kabuhayan, kalusugan, pagkain, tubig at enerhiya.

“Kapag lahat tayo ay tulung-tulong sa paglaban sa kalamidad, malalampasan natin ang negatibong epekto ng El Niño,” winika ng Pangulo. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here