Home HOME BANNER STORY Prosekusyon pumalag sa akusasyong nag-aksaya ng pera sa impeachment trial: Wala presyo...

Prosekusyon pumalag sa akusasyong nag-aksaya ng pera sa impeachment trial: Wala presyo hustisya

3
0

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng House prosecution ang akusasyong nag-aksaya sila ng pondo ng bayan sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang sagot ni House prosecutor Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list kay Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte, na nagsabing nasayang ang 38 araw ng paglilitis dahil ibinaba ang tatlo sa apat na kaso laban sa kanyang kapatid.

“Pero alam po ninyo, walang presyo ‘yung hustisya, walang presyo ‘yung pananagutan, walang presyo ‘yung katotohanan,” pahayag ni Ridon.

Ayon kay Ridon, nabunyag sa paglilitis ang malalaking ebidensya ng unexplained wealth ni Duterte at ng asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, kaya sulit ang oras at gastos.

Binanggit nito ang kalkulasyon ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera na nasa ₱817.87 milyon ang unexplained wealth mula 2022 hanggang 2025, at posibleng umabot sa ₱1.5 bilyon sa mas malawak na kalkulasyon.

“Kung hindi natin nasaksihan ‘yung pag-calculate ng more than 800 million to 1.5 billion in unexplained wealth, tingin ko hindi tayo nag-uusap ngayon ng withdrawal ng tatlong articles,” ani Ridon.

Dahil dito, nagpasya ang prosekusyon na tumutok sa Article II sa halip na patagalin ang paglilitis sa ibang kaso.

Giit naman ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, mas makatitipid pa ang gobyerno dahil mapapaikli ang paglilitis kapag isang article na lang ang tatalakayin.

Tinanong din ni Chua kung bakit nababahala si Paolo Duterte sa paggasta ng pamahalaan gayong tahimik umano ito sa ₱612.5 milyong confidential funds na kinuwestyon noong pinamumunuan ng kanyang kapatid ang Office of the Vice President at Department of Education.

“Ngayon biglang kunsensya sa bayan, sa pera ng bayan. Pero nung nawawala ‘yung 612 million pesos na confidential fund, tahimik naman siya,” ani Chua.

Iginiit ni Chua na matibay ang ebidensya sa lahat ng apat na article, pero ang unexplained wealth ang pinakamalinaw na kaso para sa publiko at sa mga senator-judge. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here