Home NATIONWIDE Depensa ni VP Sara, may pagkakataon sumagot kada article pero tumanggi- Tolosa

Depensa ni VP Sara, may pagkakataon sumagot kada article pero tumanggi- Tolosa

3
0

MANILA, Philippines – Nagkaroon ng pagkakataon ang mga abogado ni Vice President Sara Duterte na sagutin ang ebidensya ng prosekusyon pagkatapos ng bawat impeachment article, pero tinanggihan nila ang panukalang salitan na presentasyon, ayon sa House prosecution.

Ito ang iginiit ni House private prosecutor at legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr. matapos magreklamo ang depensa na nawalan sila ng pagkakataong pormal na sagutin ang mga ebidensyang naiharap na laban sa bise presidente dahil sa pag-atras ng tatlong impeachment article.

“Tandaan ninyo, gaya ng nabanggit kanina, iminungkahi ni Senator-Judge Bam Aquino noon pang Hulyo na ang gawin natin, i-revise ang pagkakasunud-sunod ng presentasyon ng ebidensya. Gawin natin ito kada article. At pumayag kami roon,” ani Tolosa.

Sa ilalim ng panukala, tatapusin muna ng prosekusyon at depensa ang kani-kanilang presentasyon ng ebidensya sa isang article bago lumipat sa susunod, sa halip na tapusin muna ng prosekusyon ang buong kaso nito.

“Para pagkatapos ng prosekusyon, ang depensa naman ang pakinggan natin. Tumanggi sila,” giit ni Tolosa.

“Kung talagang handa at gustong magharap ng ebidensya ang depensa, dapat ginawa na nila iyon. Ngayong tapos na, saka nila sinasabing gusto nilang magharap ng ebidensya,” paliwanag ni Tolosa.

Nilinaw din ni Tolosa na nakapag-challenge pa rin ang depensa sa mga testimonya ng prosekusyon sa buong paglilitis sa pamamagitan ng cross-examination.

“Hindi tumpak na sabihing wala silang pagkakataong kuwestyunin ang ebidensyang inihain namin kaugnay ng mga article na ibinaba namin,” sabi ni Tolosa.

“Tandaan, nagkaroon sila ng pagkakataong masusing i-cross-examine ang aming mga saksi. Sa katunayan, may mga pagkakataong mas mahaba pa ang cross-examination kaysa sa direct,” dagdag pa nito. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here