Home METRO 2 barangay sa Cagayan isinailalim sa total lockdown sa ASF

2 barangay sa Cagayan isinailalim sa total lockdown sa ASF

1
0

MANILA, Philippines — Isinailalim sa total lockdown ang dalawang barangay sa bayan ng Lal-lo, Cagayan upang mapigilan ang pagkalat ng African swine fever (ASF) na nagbabanta sa kabuhayan ng mga lokal na magbababoy.

Ayon sa pamahalaang lokal ng Lal-lo, kabilang sa mga apektadong lugar ang Barangay Cabayabasan at Barangay Bacud.

Nilinaw ng lokal na pamahalaan na sa Barangay Cabayabasan pa lamang may kumpirmadong kaso ng ASF, habang isinama ang kalapit na Barangay Bacud bilang pag-iingat laban sa pagkalat ng virus.

Naglagay na ng mga checkpoint na binabantayan nang 24 oras upang mahigpit na kontrolin ang pagpasok at paglabas ng mga buhay na baboy at produktong baboy sa mga apektadong lugar.

Hinikayat ang mga residente at hog raisers na sumunod sa mga quarantine restrictions at huwag magbiyahe ng mga baboy o karne nang walang kaukulang pahintulot.

Pinayuhan din ang mga magbababoy na panatilihin ang kalinisan ng kanilang mga pasilidad, regular na magsagawa ng disinfection, at agad iulat sa mga awtoridad ang mga pinaghihinalaang kaso ng ASF.

Samantala, nagsagawa ng special session ang mga opisyal ng Lal-lo sa pangunguna ni Acting Mayor Maria Olivia Pascual noong Martes, Oktubre 13, upang talakayin ang paglalaan ng karagdagang pondo para sa pagkontrol sa sakit.

Kabilang sa pinag-usapan ang paggamit ng natitirang pondo mula sa mga nakaraang taon at savings mula sa mga natapos na programa at proyekto upang matustusan ang mga kinakailangang hakbang laban sa ASF.

Ang ASF ay isang nakahahawang sakit na nakaaapekto sa mga alagang baboy at wild pigs, ngunit hindi ito nakahahawa sa tao.

Gayunman, maaari itong magdulot ng malaking pagkalugi sa mga hog raiser at makaapekto sa lokal na industriya ng baboy.

Patuloy na nananawagan ang pamahalaang lokal ng kooperasyon ng mga residente upang mapigilan ang pagkalat ng sakit sa iba pang barangay. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here