MANILA, Philippines — Nakatakdang bumisita sa Israel sa Nobyembre ang mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang personal na alamin ang kalagayan at mga hinaing ng overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kabilang sa layunin ng pagbisita ang pagpapabuti ng kondisyon sa trabaho ng mga Pilipino at pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Israel sa usapin ng labor protection at welfare assistance.
Makakasama ni Cacdac sa pagbisita si OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan.
Sa briefing sa Taguig City noong Martes, Oktubre 13, sinabi ni Cacdac na mahalagang direktang marinig ang mga suliranin ng mga OFW upang matukoy ang mga hakbang na makatutulong sa kanilang trabaho at kapakanan.
“There are things to talk about by way of finding ways in which we could enhance, first and foremost, the current employment of the Filipinos who are there,” pahayag ni Cacdac.
Bukod sa pakikipagpulong sa mga manggagawang Pilipino, inaasahan ding makikipag-ugnayan ang mga opisyal sa kanilang Israeli counterparts upang talakayin ang mga usapin sa trabaho at tulong para sa mga naapektuhan ng kaguluhan.
Samantala, patuloy ang pagbibigay ng DMW at OWWA ng psychosocial support sa mga Pilipinong nasa Israel.
Kabilang dito ang mental wellness programs, counseling, referral sa mga mental health professionals at regular na pagbisita sa mga komunidad ng mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Cacdac ang kahalagahan ng patuloy na koordinasyon sa pamahalaan ng Israel upang matugunan ang aktuwal na pangangailangan ng mga OFW.
Sa naturang pagtitipon, nagpasalamat din si Israeli Ambassador Dana Kursh sa suporta ng pamahalaan ng Pilipinas at kinilala ang mahalagang papel ng ugnayan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Binigyang-pugay rin ng embahador ang Filipina caregiver na si Camille Jesalva, na nagsapanganib ng buhay upang protektahan ang isang 95-anyos na inaalagaan noong pag-atake sa Israel noong Oktubre 7, 2023.
Inaasahang magiging bahagi ng pagbisita sa Nobyembre ang pakikipagdayalogo sa Filipino community at mga opisyal ng Israel upang higit pang mapalakas ang proteksyon at suporta para sa mga manggagawang Pilipino. Dave Baluyot