Home NATIONWIDE Pope Leo XIV nakakalakad, nakakakain na matapos operahan sa baga

Pope Leo XIV nakakalakad, nakakakain na matapos operahan sa baga

2
0

VATICAN — Nakakalakad at nakakakain na si Pope Leo XIV matapos sumailalim sa operasyon upang alisin ang cancerous tumor sa kanyang baga, habang normal ang resulta ng kanyang mga pagsusuri matapos ang operasyon, ayon sa Vatican.

Sa medical bulletin na inilabas nitong Miyerkoles, Oktubre 14, sinabi ng mga doktor na sina Luigi Carbone at Stefano Margaritora na nasa inaasahang kondisyon ang 71-anyos na Santo Papa matapos ang operasyon sa Gemelli Hospital sa Rome, Italy.

Batay sa resulta ng blood tests at chest X-ray, walang naitalang hindi pangkaraniwang pagbabago sa kanyang paggaling.

Nagsimula na ring maglakad ang Santo Papa sa loob ng kanyang silid, sumailalim sa respiratory physiotherapy at bumalik sa regular na pagkain.

Sumailalim si Pope Leo XIV sa operasyon noong Martes, Oktubre 13, kung saan inalis ang ibabang bahagi ng kanyang kanang baga matapos makumpirmang mayroon siyang lung adenocarcinoma, isang uri ng kanser sa baga.

Tumagal nang humigit-kumulang 90 minuto ang operasyon na matagumpay na natapos nang walang komplikasyon.

Gayunman, hinihintay pa ang resulta ng karagdagang pagsusuri sa mga tinanggal na tissue upang matukoy kung kumalat ang kanser sa ibang bahagi ng katawan.

Nauna nang sinabi ng Vatican na maagang natuklasan ang bukol at nasa isang bahagi lamang ito ng baga batay sa mga unang pagsusuri.

Inaasahang mananatili ang Santo Papa sa ospital nang humigit-kumulang isang linggo upang mabantayan ang kanyang kondisyon.

Kinansela rin ang kanyang mga pampublikong aktibidad hanggang Oktubre 20 habang nagpapagaling.

Patuloy namang bumubuhos ang mga panalangin at mensahe ng suporta mula sa mga Katoliko at lider sa iba’t ibang bahagi ng mundo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here