Home NATIONWIDE Samal resort, itinangging pag-aari ni Rep. Paolo Duterte

Samal resort, itinangging pag-aari ni Rep. Paolo Duterte

3
0

MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ng pamunuan ng Casas Con Vistas Resort sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte na pag-aari o may kaugnayan kay Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang kanilang establisimyento.

Sa inilabas na pahayag, nilinaw ng resort na mga pribadong indibidwal ang nagmamay-ari nito at walang direkta o hindi direktang kaugnayan sa kongresista o sinumang opisyal ng pamahalaan.

“We categorically deny the allegations suggesting any connection between the Resort’s ownership and Congressman Paolo Duterte or any person holding public office,” ayon sa pamunuan.

Kasunod ito ng paglalabas ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag noong Oktubre 12 ng mga larawan at video kaugnay ng mga ari-ariang iniimbestigahan ng ahensya na umano’y may kaugnayan sa pamilya Duterte.

Kabilang sa mga binanggit sa imbestigasyon ang isang resort sa Samal Island na iniuugnay kay Rep. Duterte.

Nauna nang itinanggi ng kongresista ang naturang alegasyon at hinamon si Matibag na magharap ng konkretong ebidensya sa halip na umasa lamang sa mga larawan ng ari-arian.

Iginiit ni Duterte na dapat nakabatay sa beripikadong impormasyon ang imbestigasyon at hindi sa mga haka-haka o alegasyong inilalabas sa publiko.

Samantala, nanawagan ang pamunuan ng Casas Con Vistas Resort na suriing mabuti ang mga impormasyon bago ito ipakalat upang maiwasan ang pagkasira ng reputasyon ng establisimyento at mga may-ari nito.

Nagbabala rin ang resort na maaari itong magsampa ng kaukulang legal na aksyon laban sa mga indibidwal na sadyang nagpapakalat ng mali at mapanirang impormasyon.

Patuloy namang iniimbestigahan ng NBI ang mga ari-ariang umano’y may kaugnayan sa pamilya Duterte bilang bahagi ng pagsisiyasat sa posibleng money laundering at mga hindi pagkakatugma sa deklarasyon ng ari-arian.

Wala pang nailalahad na independiyenteng napatunayang dokumento ng pagmamay-ari na nag-uugnay kay Rep. Duterte sa naturang resort. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here