Home LIFESTYLE HEALTH HPV vaccine sa mga batang babae edad 4-8 taon, inirekomenda ng WHO

HPV vaccine sa mga batang babae edad 4-8 taon, inirekomenda ng WHO

3
0

GENEVA, Switzerland – Inirekomenda ng mga eksperto sa bakuna ng World Health Organization (WHO) na maaaring isaalang-alang ng mga bansa ang regular na pagbabakuna laban sa human papillomavirus (HPV) sa mga batang babae edad apat hanggang walong taon, kung makatutulong ito upang mapataas ang mababang bilang ng nababakunahan.

Ayon kay Anthony Scott, tagapangulo ng Strategic Advisory Group of Experts on Immunisation (SAGE) ng WHO, 165 bansa na ang nagpatupad ng HPV vaccination program.

Gayunman, nasa 33 porsiyento lamang ang global HPV vaccine coverage, malayo sa target na 90 porsiyento ng WHO.

Pangunahing inirerekomenda ng WHO ang HPV vaccination para sa mga batang babae edad siyam hanggang 14 taon. Noong 2022, iminungkahi ng SAGE ang isa o dalawang dose para sa mga edad siyam hanggang 14 at 15 hanggang 20 taon, habang dalawang dose na may anim na buwang pagitan ang inirekomenda para sa mga babaeng lampas 21 taong gulang.

Matapos suriin ang mga bagong ebidensya, napagpasyahan ng SAGE na ang isang dose para sa mga batang babae edad siyam hanggang 14 taon ang pinakamabisang paraan upang maabot ang pandaigdigang target ng pagbabakuna.

“Countries may also consider routine vaccination (for) girls aged four to eight years if this is likely to result in increased vaccination uptake and coverage,” ani Scott.

Ayon sa WHO, ang cervical cancer na dulot ng patuloy na impeksiyon ng HPV ay ikalimang pinakakaraniwang kanser sa kababaihan sa buong mundo. Noong 2024, tinatayang 604,000 bagong kaso at 280,000 pagkamatay ang naitala dahil sa sakit.

Sinabi naman ni Kate O’Brien, pinuno ng vaccine department ng WHO, na mahigit 95 milyong batang babae na ang nabakunahan laban sa HPV pagsapit ng katapusan ng 2025.

Inirekomenda rin ng SAGE na palawakin ang single-dose HPV vaccination sa iba pang target na grupo ayon sa prayoridad: una, catch-up vaccination para sa mga babaeng hanggang 25 taong gulang, kasunod ang hanggang 30 taong gulang; pagkatapos ay regular na pagbabakuna sa mga batang lalaki edad siyam hanggang 14, at catch-up vaccination sa mga lalaki hanggang 20 taong gulang.

Pagsapit ng 2025, may walong lisensiyadong HPV vaccine na.

Dagdag ng WHO, pangunahing sanhi ang cervical cancer ng pagkamatay dahil sa kanser sa kababaihan sa 26 na bansa, lalo na sa sub-Saharan Africa, ilang bahagi ng South at Central America, Melanesia, at Southeast Asia. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here