Home NATIONWIDE Pangungutya sa mga taong may Autism, kinondena ni Villanueva

Pangungutya sa mga taong may Autism, kinondena ni Villanueva

3
0

MANILA, Philippines – Matinding kinondena ni Senador Joel Villanueva ang pambabastos, pangungutya at pagyurak ng isang podcast content, ang Machong Chismisan,  sa anak ni Kris Aquino, si Josh, sa pinakahuling segment nito na umani ng pagbatikos sa netizens.

Sa pahayag, kinondena ni Villanueva ang host at producer ng Machong Chismisan na nai-ere sa ABS-CBN Podcast Network na lantarang binastos at kinutya ng host si Josh, isang autistic at anak ni Ms. Aquino.

Sinabi ni Villanueva na “nakakagalit at nakakabastos” ang ginawa, at walang lugar ang ganitong pag-uugali sa lipunan at sa digital space.

Bilang isang magulang, aniya, napakasakit marinig ang pang-aalipusta sa isang anak na may kapansanan.

Giit ng senador na sa anumang anggulo tingnan, hindi kailanman katatawanan ang anumang uri ng kapansanan tulad ng autism at hindi dapat binibigyan ng plataporma ang nangungutya sa taong may kapansanan.

Kinuwestiyon din ng senador ang mga host ng podcast saka sinabing hindi nakakadagdag sa pagkalalaki ang pagpapahiya sa isang taong hindi kayang ipaglaban ang sarili.

Nilinaw ni Villanueva na hindi lang ito usapin ng iisang tao na si Josh, kundi kung paano pa rin tinatrato ng iba ang kapansanan bilang katatawanan.

Aniya, ilang taon nang ipinaglalaban na maging inklusibo ang bansa para sa persons with disabilities — sa classroom, workplace, at public life — at hindi matatawag na inklusibo ang bansa kung ginagawang entertainment ang kapansanan.

Nanawagan din siya sa mga creator at podcaster na maging responsable sa kanilang impluwensya, dahil kapag tinawanan ang kapansanan ng isang tao, libu-libong tagapakinig ang natututong gawin din ito.

Hinimok din niya ang mga production company at network na magtakda ng malinaw na pamantayan bago pa man i-ere ang content, at hindi sapat ang pagbura lang ng episode matapos ang kontrobersya.

Nagpahayag din ng pakikiisa si Villanueva sa mga magulang, kapatid at caregiver na ilang taon nang nagsusumikap na bumuo ng mas mabait na mundo para sa kanilang mahal sa buhay, na hindi dapat kinukutya para lang sa views.

Sa huli, nanawagan ang senador sa mga digital platform na kumilos laban sa mga content na nangmamaliit sa persons with disabilities, at tiyaking ligtas ang digital space para sa lahat, tulad ng pagprotekta sa mga bata online.

Naunang tinanggal ng ABS-CBN Podcast Network ang content sa lahat ng social media platform nito at hindi na muling makapag-iere ang naturang grupo, ang Machong Chizmisan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here