Home LIFESTYLE HEALTH Mapanganib na haze, naitala sa 8 lugar sa Pinas

Mapanganib na haze, naitala sa 8 lugar sa Pinas

3
0

MANILA, Philippines – Naobserbahan ang mapanganib na haze sa walong lugar sa bansa nitong Huwebes, Oktubre 15, na posibleng dulot ng usok mula sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia, ayon sa Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB).

Sa advisory nito alas-12 ng tanghali, sinabi ng ahensiya na maaaring tinangay ng umiiral na hangin patungo sa Pilipinas ang usok at haze mula sa mga sunog sa Indonesia.

Naitala ng DENR-EMB ang mataas na konsentrasyon ng fine particulate matter o PM2.5, maliliit na partikulo sa hangin na may sukat na 2.5 micrometers pababa.

Sa Western Mindanao State University sa San Ramon, Talisayan, Zamboanga City, umabot sa 201 hanggang 300 ang Air Quality Index (AQI), na klasipikadong “acutely unhealthy” o lubhang mapanganib sa kalusugan. Pinayuhan ang publiko, lalo na ang may sakit sa puso at baga, na limitahan ang mga gawaing panlabas.

Sa Sta. Cruz, Tagoloan, Misamis Oriental, naitala naman ang AQI na 151 hanggang 200, na klasipikadong “very unhealthy.” Pinayuhan ang publiko na iwasan ang matagal na pananatili sa labas at limitahan ang paggamit ng sasakyan. Pinayuhan din ang mga may hika at iba pang karamdaman na manatili sa loob ng bahay.

Anim pang lugar ang nagtala ng AQI na 101 hanggang 150, na nangangahulugang “unhealthy for sensitive groups” o hindi ligtas para sa mga sensitibo sa polusyon. Kabilang dito ang:

–Meycauayan City Air Quality Monitoring Station

–Talisay City

–DENR Region 10 Compound sa Cagayan de Oro City

–Iligan City

–Barangay Aplaya, Digos City, Davao del Sur

–Barangay Culaman, Malita, Davao Occidental

Pinayuhan ang mga bata, matatanda, at mga may sakit sa paghinga o puso na bawasan ang oras sa labas.

Ayon sa AQI scale ng DENR-EMB, ang markang 0 hanggang 50 ay “good,” habang 51 hanggang 100 ay “fair.”

Pinayuhan din ng ahensiya ang mga nasa apektadong lugar na mag-ingat at magsuot ng maayos na maskara, mas mainam ang N95, kapag lalabas. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here