MANILA, Philippines — Ipatatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan upang linawin ang pahayag nitong may kinalaman sa posibleng paggamit ng puwersa.
Sa ambush interview nitong Biyernes sa ika-125 anibersaryo ng Philippine Coast Guard (PCG), sinabi ni Marcos na maituturing niyang banta ang naging pahayag ng Chinese envoy.
“Well, it sounds very much to me like a threat, and it is not a very diplomatic statement to be made,” ani Marcos.
Aniya, nais niyang malaman kung ano mismo ang ibig sabihin ni Jing sa kanyang pahayag at sinabing nararapat itong pag-usapan nilang dalawa.
Nauna nang sinabi ni Jing sa isang panayam: “If we want to use force, we may easily win. But no, we will not use force. You know, we love peace, and in this region, we enjoy the peace.”
Binatikos din ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pahayag at sinabing tila naghahatid ito ng “thinly veiled threat of the use of force.” Hinimok ng ahensya ang Chinese ambassador na maging maingat at magpakita ng restraint sa kanyang mga pampublikong pahayag.
Ayon sa DFA, mahalaga ang maingat na pananalita ng mga diplomat upang hindi lalo pang masira ang tiwala at makahadlang sa dialogue at constructive engagement sa gitna ng komplikadong relasyon ng Pilipinas at China. RNT