OREGON, USA — Apat katao, kabilang ang tatlong bata at isang guro, ang nasawi sa pamamaril sa Silver Rail Elementary School sa Bend, Oregon nitong Huwebes, ayon sa pinakahuling ulat ng mga awtoridad.
Kinilala ng pulisya ang mga batang nasawi bilang edad 5, 8 at 11, habang isang guro rin ang napatay. Isang 7-anyos na estudyante at isa pang guro ang kritikal na nasugatan at isinugod sa ospital.
Ayon sa imbestigasyon, 16-anyos ang gunman na pumasok sa paaralan matapos umano nitong paputukan ang mga nakakandadong pinto.
Napatay ang suspek matapos siyang komprontahin ng isang armadong sibilyan bago pa makarating sa loob ng gusali ang mga rumespondeng pulis. Pinuri ng mga opisyal ang naging mabilis na pagkilos nito na umano’y nakatulong upang maiwasan ang mas marami pang biktima.
Unang nakatanggap ng emergency call ang mga awtoridad dakong alas-1 ng hapon at dumating ang mga pulis makalipas ang ilang minuto.
Inilikas ang mga estudyante at kawani ng paaralan at dinala sa hiwalay na lugar upang makasama ang kanilang mga pamilya.
Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng gunman at kung mayroon itong koneksiyon sa paaralan. RNT