MANILA, Philippines — Hindi maituturing na mistrial ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte kahit iniurong ng prosecution ang tatlo sa apat na articles of impeachment, ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro.
Binigyang-diin ni Castro na personal niyang pananaw bilang abogado na walang mistrial dahil nabigyan ang depensa ng pagkakataong mag-cross-examine sa mga testigo ng prosecution.
“Walang masasabing mistrial because they were given ample time and opportunities to cross-examine the witnesses presented by the prosecution,” ani Castro.
Nauna nang sinabi ni defense chief counsel Sheila Sison na kung layunin ng pag-withdraw ng tatlong articles na paikliin ang paglilitis at agad tumungo sa paghatol, maaaring magkaroon umano ang proseso ng “unmistakable characteristics of a mistrial.” Ito ay posisyon ng defense at wala pang ruling ang Senate impeachment court na nagsasabing may mistrial.
Itinanggi rin ni Castro na nasayang ang oras at pondo ng gobyerno sa mga artikulong iniurong. Aniya, nakapagprisinta pa rin ng mga dokumento, facts at testimonya na nakatulong upang maipaliwanag sa publiko ang mga alegasyon.
Noong Oktubre 13, tinanggap ng Senate impeachment court ang pag-withdraw ng prosecution sa Article I kaugnay ng confidential funds, Article III sa bribery at Article IV sa grave threats.
Article II, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth at umano’y hindi ganap na deklarasyon ng assets at business interests, na lamang ang itutuloy ng prosecution laban kay Duterte. Itinatanggi ng bise presidente ang mga alegasyon laban sa kanya. RNT