Home HOME BANNER STORY NWRB binawasan alokasyon ng tubig mula Angat dam bilang paghahanda sa El...

NWRB binawasan alokasyon ng tubig mula Angat dam bilang paghahanda sa El Niño

3
0

MANILA, Philippines — Binawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam para sa Metro Manila at irigasyon bilang paghahanda sa inaasahang malakas na El Niño na maaaring tumagal hanggang kalagitnaan ng susunod na taon.

Ayon kay NWRB Chief Sevilio David Jr., ibinaba sa 44 hanggang 46 cubic meters per second (m³/s) ang alokasyon para sa suplay ng tubig sa Metro Manila ngayong Oktubre, mula sa karaniwang 50 hanggang 52 m³/s.

Binawasan din ang alokasyon para sa irigasyon sa 20 hanggang 25 m³/s mula sa regular na 35 m³/s, habang isinasaalang-alang ang posibleng pag-ulan na makatutulong sa pangangailangan ng mga sakahan.

Layunin ng hakbang na makatipid sa tubig na nakaimbak sa Angat Dam, pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila, bago ang tag-init at inaasahang rurok ng El Niño.

“For the month of October, nagkaroon po ng adjustment. Meaning, binabaan po muna natin ‘yung requirement of water supply for Metro Manila. Kasama po dito ‘yung mga households and industries,” ani David. Nilinaw niyang hindi nangangahulugang mababawasan ang suplay na natatanggap ng mga kabahayan.

“Sa ngayon po, ‘yung water supply for Metro Manila ay sapat po tayo. We have sufficient water supply for Metro Manila until the end of this year or early next year,” dagdag niya.

Maaaring gumamit ang mga water concessionaire ng iba pang pinagkukunan, gaya ng Laguna Lake at deep wells, upang madagdagan ang suplay. Nasa 209 metro ang lebel ng Angat Dam sa oras ng panayam, na ayon kay David ay normal.

Pinalalawak ng NWRB ang kampanya sa pagtitipid ng tubig. Kabilang sa mga hinihikayat na hakbang ang pag-iipon ng tubig-ulan, pagre-recycle at muling paggamit ng tubig, at pagkukumpuni ng mga tagas sa bahay at negosyo.

Gumagawa rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng polisiya para pamahalaan ang paggamit ng tubig at magtakda ng mga limitasyon kung kinakailangan. Sa ngayon, mas nakatuon ang pamahalaan sa pagkontrol ng demand kaysa sa pagpapatupad ng bagong restriksyon.

Nakikipag-ugnayan ang NWRB sa mga lokal na pamahalaan upang hikayatin ang mga negosyong malaki ang konsumo ng tubig na hindi pangunahing pangangailangan, kabilang ang car wash at golf courses, na magtipid.

Maaari ring paigtingin ang umiiral na kautusan na nag-aatas sa mga tanggapan ng pamahalaan na bawasan ng 10 porsiyento ang konsumo ng tubig. Hinihikayat din ang mga restawran na magbigay lamang ng tubig kapag hiniling ng kostumer.

“Kung iinom ‘yung tao, doon lang po natin sila bibigyan,” ani David.

Nag-iingat ang NWRB sa pagpapalawak ng paggamit ng groundwater, lalo na sa Metro Manila, dahil sa mga posibleng problema sa kalidad nito. Pinapayagan ang mga water concessionaire na gumamit ng emergency deep wells kung may sapat na proseso ng paggamot sa tubig. Maaari ring magtayo ng deep wells ang mga ospital at iba pang kritikal na pasilidad, alinsunod sa mga kinakailangan.

Pinayuhan naman ang mga sambahayang gumagamit ng sariling deep wells na tiyakin muna ang kalidad ng tubig, lalo na kung iinumin ito.

Kabilang sa mga lugar na malaki na ang paggamit ng groundwater ang Cavite, Bacolod, Cebu, Laguna, Baguio at Angeles City. Posible ring mas maapektuhan ang mga komunidad sa kabundukan na umaasa sa mga bukal at ilog kapag bumaba ang pag-ulan.

Humihingi ang NWRB ng karagdagang pondo para sa 2027 upang palawakin ang mga programa nito sa labas ng Metro Manila, kabilang ang kampanya sa pagtitipid, pagsusuri ng mga posibleng bagong pinagkukunan ng tubig, at pagtukoy sa mga lugar na nakararanas ng kakulangan sa suplay.

Kabilang sa mga target na susuriin ang Mindanao River Basin, ilang bahagi ng Negros Island, at mga lungsod at munisipalidad na nangangailangan ng pagsusuri sa groundwater.

Ayon kay David, ₱284.35 milyon ang panukalang badyet ng ahensya para sa 2027. Pangunahing tututukan nito ang regulasyon, monitoring at pagsusuri sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng El Niño.

Inatasan na ng pamahalaan ang mga ahensya na maghanda ng mga plano para sa inaasahang epekto ng El Niño na maaaring magpatuloy hanggang kalagitnaan ng susunod na taon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here